Discover millions of ebooks, audiobooks, and so much more with a free trial

Only $11.99/month after trial. Cancel anytime.

Mumu's Man
Mumu's Man
Mumu's Man
Ebook278 pages4 hours

Mumu's Man

Rating: 5 out of 5 stars

5/5

()

Read preview

About this ebook

Si Mumu ay single. Makikita siya sa labas ng Kabaong Mo, Sagot Ko—ang pagawaan nila ng kabaong—na nakasuot ng black long dress. Naka-makeup na ala impakta at may hawak na walis. Laging naka-pose na parang pagkagat ng dilim, aangat at lilipad sakay ng walis.

Ang misyon niya: Takutin ang mga potential groom na balak pikutin ng ama. Mahirap umalma kay Tatang Peps na may backup na barumbadong tropa—ang tropang sais.

Tagumpay naman si Mumu sa pananakot. Hindi na bumabalik ang mga 'biktima'.

Pero dumating sa Kalye onse si Leofordo Magtanan, ruggedly handsome na may abs. Ang probinsiyanong walang malay sa 'gulo' sa Kalye onse pero dala pala ang isang sekretong magpapabago sa buhay niya. Hindi lang iyon, feeling ni Mumu, tinamaan din ng kakaibang charm ni Ford ang puso niya.

Kaya lang ang mundo, cruel yata talaga sa mga single na biglang nakahanap ng love. May kontrabidang dumating—at iisa pa ang mukha nila!

Hayun, gulong gulo ang mundo ni Mumu Cagandahan. Paano siya lalaban para sa love kung sa unang linya pa lang ng kontrabida ay knock out na siya?

LanguageTagalog
PublisherVictoria Amor
Release dateSep 1, 2022
ISBN9798215452134
Mumu's Man

Read more from Victoria Amor

Related to Mumu's Man

Related ebooks

Reviews for Mumu's Man

Rating: 5 out of 5 stars
5/5

6 ratings2 reviews

What did you think?

Tap to rate

Review must be at least 10 words

  • Rating: 5 out of 5 stars
    5/5
    Masama ang pakiramdam ko pro dahil sa tropang sais gumana at sumayaw ang pakiramdam ko ???
  • Rating: 5 out of 5 stars
    5/5
    Ang sarap talaga ma-inlove - sa mga hero mo po , Ms VA ?
    Nakakainis, grabeng pa-fall,Ford ?

    Sana maligaw din po ang ibang hero mo dito ?
    Thank you po Ms VA ?


Book preview

Mumu's Man - Victoria Amor

Prologue

NOON.

Noon na wala pang Covid-19 pandemic...

Impakta ang one true love ni Lolo?

Pinanood ni Ford ang mga paa na marahang humahakbang palapit. Pinilit niyang gumalaw pero walang nangyari. Para siyang nakadikit sa puwesto. Hindi nga niya sigurado kung saan siya nakasandal—kung sa dingding ba o katawan ng puno. Hindi rin maalala ni Ford kung paano siyang napunta sa lugar na iyon. Ang malinaw lang, may mga paang palapit. Isa sa mga iyon ay suot ang pamilyar na itim na tsinelas.

Mga paa ni Lolo Fil. Suot nito ang paboritong brand ng tsinelas. Natatandaan ni Ford dahil iniwan nito sa kanya ang isang pares—paalalang may lolo siyang guwapo, iyon ang eksaktong sinabi nito noon. Hindi hinayaan ni Ford na tuluyang masira ang tsinelas. Nilinis at itinago niya nang manipis na.

May mga bilog at basang sugat?

Deretso ang mga hakbang ng mga paang palapit—at hindi lumiko sa kanan gaya ng iba pa. Bakit tuloy-tuloy ang mga hakbang ni Lolo Fil? Bakit parang...

Tatapak-tapakan siya?

Pinilit ni Ford na kumilos, hindi niya gustong matapakan. Lalong hindi niya gustong makita nang malapitan ang mga sugat.

L-Lolo Fil— Hinila niya ang mga paa at kamay—hindi nga lang siya nakagawa ng kahit maliit na galaw lang. Para siyang estatwang nakalapat sa puwesto, na saka lang na-realize ni Ford na nakahiga siya sa lupa at nakaunan sa ugat ng puno. Ang nasa itaas niya, malilim na mga dahong gumagalaw sa mabining ihip ng hangin.

Apat na ang mga paa nang muling ibinalik ni Ford ang tingin. Hindi, may pang-lima pa— Ah, walis tingting lang pala. May hinihilang walis titing ang isa pang pares ng mga paa na walang sapin. Ang mga binti, natatakpan ng itim na itim na damit na sumasayad hanggang sakong.

Hindi na nagawang bawiin ni Ford ang titig.

Kilala ni Lolo Fil ang bagong dating? Bakit may bitbit na walis tingting?

Hindi na naglalakad palapit ang mga binting may sugat, nakahinto nang parang may hinihintay. Nag-usap? Tama ba ang kutob niyang magkakilala ang dalawa? Gustong makilala ni Ford kung sino man ang may-ari ng mga paang iyon. Na base sa nakita niyang mga daliri, babae ang kasunod ni Lolo Fil.

Ang one true love na binanggit sa kanya?

Pero ang alam niya, patay na ang babaeng iyon. Ang hula nga ni Ford, libingan na ang hinahanap ni Lolo Fil. Bakit biglang buhay ngayon at may bitbit pang walis tingting? Sasakay sa walis?

Tangina!

Na-imagine ni Ford ang view ng kalawakan na bilog na bilog ang buwan. Na ilang segundo lang, biglang nagdilim. Ang salarin na tumakip sa buwan, tumatawang babaeng itim at nagbibiyahe gamit ang walis!

Mura uli.

Nakita ni Ford ang paghinto ng mga paa sa likuran ng mga paa ni Lolo Fil.

Narinig ang iniisip ko?

Mura na naman.

Literal na hindi huminga si Ford nang ilang segundo. Ang lakas na ng kabog ng kanyang dibdib. Naghintay siya. Hinuhulaan ang susunod ng kilos ng mga paa at ng walis tingting.  Ilang segundo lang, marahang gumalaw ang mga paa ni Lolo Fil.

Hinarap ang babaeng nakaitim sa likuran?

Magkaharap na ang mga paa. Parang nag-usap nang mabilisan ang dalawa bago halos sabay na kumilos at... tinalikuran ang isa’t isa?

Nagtagpo ba para magpaalam?

Ang sumunod na nangyari, parang eksena sa isang pelikula na biglang bumagal—slow motion—dahan-dahan ang pagbagsak ng maliit na kung ano, na tinutukan ng mga mata ni Ford. Sa tabi ng dulo ng walis tingting bumagsak ang bagay na iyon.

Laruan yatang hugis-tao?

Ah, manika.

Manikang naabuso? Bakit may mga nakatusok na karayom?

Humakbang ang mga paa ni Lolo Fil palapit kay Ford. Palapit nang palapit na parang hindi siya nakikita. Nagpilit na naman si Ford na kumilos pero hindi siya makagawa ng kahit maliit na galaw lang.

Hindi talaga siya nakikita.

Kailangan niyang sumigaw!

Naudlot ang pagsigaw ni Ford nang napatutok ang kanyang tingin sa ‘manika’ na nasa lupa—na pinulot ng kamay na may mahahabang kuko. Eksaktong nahawakan ng kamay ang ‘manika’, biglang bumaba ang mukha ng babae. Kung sa pelikula, iyong nakakagulat na biglang paglitaw ng nakakatakot na mukha—hindi mukha ng multong hindi matahimik o mukhang duguan o naaagnas na.

Ang mukhang nakita ni Ford, maputi at maputlang mukhang sumayad sa lupa ang mahaba at tuwid na tuwid na buhok. Ang mga matang may talim ang titig at nangingitim ang paligid, sa kanya tumutok.

At ngumisi pa ang mga labing itim!

Impakta!

Sumigaw si Ford kasabay nang pagtawa ng babae. Walang lumabas na boses sa kanya habang ang babae ay papalakas ang naririnig niyang tawa.

Tinapakan si Ford ng isang paa ni Lolo Fil—sa tapat ng puso niya mismo.

Napaangat siya bigla ng tingin. Nakatitig sa kanya ang matandang nag-iisang kapamilya—na iniwan siya para daw sa misyon. Misyong hindi niya alam hanggang nang sandaling iyon kung ano talaga.

Bangon! malakas ang boses na utos ni Lolo Fil. Hanapin mo siya!

Ang biglang pagbalikwas ang reaksiyon ni Ford sa utos. Para siyang nakalaya sa mahigpit na kadena. Nawala na ang parang puwersang hindi nakikita na pumipigil sa kanyang kumilos kanina lang.

Nakita niya ang sariling nasa pamilyar na kuwarto, hindi pantay ang paghinga at basa ng pawis ang katawan. Ang bigla niyang pagbangon ang pumutol sa panaginip— Hindi, bangungot!

Lolo Fil... usal ni Ford, napasabunot sa sariling buhok. May babae ka nang impakta ngayon, ah? napapahagod sa batok na nasabi niya sa sarili.

Tatlong gabi na niyang napapanaginipan ang matanda. Kung patay na ito, iisipin ni Ford na nagpaparamdam. Hindi niya gustong isipin na patay na si Lolo Fil. Hindi puwede. Babalik pa sa lumang bahay ang matanda. Hindi siya basta iiwan ng nag-iisang kapamilya. May pangako si Lolo Fil—na magkikita pa sila. Kilala niya ang matanda pagdating sa pagtupad ng pangako.

Ang tagal na nakaupo lang si Ford sa kama, walang kakilos-kilos. Mayamaya, ibinagsak niya ang katawan para matulog uli. Pero gaya nang mga gabing dumaan na nanaginip siya, mailap na ang antok.

Tumingin siya sa wall clock—halos alas-kuwatro pa lang ng madaling-araw.

May malalim na ibig sabihin ba ang sunod-sunod niyang panaginip? Sino ang gusto ni Lolo Fil na hanapin niya? Ang babaeng bruha?

Tutol ang buong pagkatao ni Ford sa ideya.

Chapter One

Three days later...

Ikaw si Ford?

Hindi siya agad sumagot, napatitig muna sa bisitang hinatid ng tanod sa lugar. Alas-diyes ng umaga, may dumating na motorsiklo at pumasok sa teritoryo niyang malayo sa lahat. Mga opisyal sa Bagong Awa lang ang pumapasok doon nang hindi muna humihingi ng permiso. Mga kadalasang kaaway ng apat niyang aso sa paligid.

Nasa dulo ng isang sitio ang nakabakod na lugar ni Ford. May sarili siyang mundo sa parteng iyon ng Bagong Awa. Nasa loob ng property ang kanyang mga kailangan. Hindi man lumabas, mabubuhay siyang naroon lang.

Mula alas-nuwebe ng umaga, nakatali na ang mga aso kaya wala nang panganib pumasok sa lugar ni Ford. Alas-nuwebe naman ng gabi ay malaya ang mga alaga, kaya walang nangangahas tumuntong sa loob ng halos tatlong ektaryang lugar niya.

Ako nga, walang interes na sagot ni Ford. Hindi na siya nagtanong kung sino ito. Malamang nagkamali lang. Wala siyang inaasahang bisita. Ang tagal na niya sa tahimik na lugar na iyon na walang bumibisita. Ford sa tago ang tawag nila sa akin dito.

Ano’ng buo mong pangalan? Ang matangkad na lalaking angkas ng tanod ang nagtanong. Plantsadong-plantsado ang mala-abogadong pormahan. Itim na suit, balat na sapatos na mukhang hindi dinidikitan ng alikabok sa kinang. May suot ding makapal na salamin. Ang hula ni Ford, mga lampas singkuwenta na ang edad. 

Leofordo Magtanan. Magtanan ang ama niya. Ang ina ni Ford ang anak ni Lolo Fil. Sabay na namatay sa aksidente ang mga magulang niya. Si Yaya M, ang nagdala sa kanya sa Bagong Awa noon—ang tumayong ina niya. Hindi ito naglihim. Fifteen years old siya nang sinabi ni Yaya M na hindi sila magkadugo. Na bayad ang serbisyo nito pero mahal siyang gaya ng isang tunay na anak. Ramdam naman iyon ni Ford kaya madali niyang natanggap. Hindi naging mahalaga sa kanya ang dugong koneksiyon na wala sa kanila. 

Noong sixteen siya, nalaman ni Ford na isang ‘Lolo Fil’ ang sumusuporta sa kanya. Kaya pala sa halaman lang abala si Yaya M pero hindi sila nagkulang sa pondo. Ang pag-aaral niya sa high school, nasuportahan nito nang hindi kailangang magtrabaho sa labas.  Nineteen si Ford nang namatay si Yaya M sa sakit sa baga.

Isang linggo pagkatapos ng libing, dumating naman si Lolo Fil na nagpakilalang totoo niyang kadugo. Sa kuwento ng matanda sa kanya, umamin agad na babaero. Ayon rito, magkasingguwapo sila kaya walang problema kung sundan man niya ang yapak nito.

Sa bawat lakad ni Lolo Fil noon sa siyudad, kasama siya. Sa mga buwang magkasama sila, pakiramdam ni Ford ay tinuturan siyang mambabae ng matanda. Hindi na niya matandaan ang kung ilang babae ang nakasama niya noon na parang araw—dumating at dumaan lang, hindi nga niya natandaan ang mga pangalan.

Ang pag-alis ni Lolo Fil, naging simula rin ng pag-iisa ni Ford. Naputol ang mga lakad sa labas, nawala na rin ang mga babae. Nakaramdam si Ford ng pagod sa mahabang biyahe papuntang siyudad kaya tumigil na siyang mag-aral. Nasa unang taon pa lang siya noon sa kolehiyo.

Ibinuhos niya ang atensiyon at panahon sa mga naiwang alaga ni Yaya M—mga hayop at halaman. Hindi na niya namalayan na dumami na nang dumami, hanggang kinakain na ng buong araw na trabaho ang oras niya. Ang mga halaman, mga aso, mga baboy, mga kambing, mga manok at iba pang alaga—hindi niya puwedeng pabayaan.

Babae?

Naging dagdag responsibilidad na ang tingin ni Ford sa babae. Hindi niya kailangan ng dagdag na aalagaan. Maayos at tahimik ang buhay niya sa sariling lugar.  Nasanay na siya sa solo at payapang pamumuhay. Hindi niya gustong baguhin pa.

Ikaw nga ang apo ni Filicitos Zamora na hinahanap ko.

Filicitos Burgos y Zamora, pagtatama ni Ford. Natatandaan niya ang laging paalala ni Lolo Fil. Kung may magbabanggit na ibang tao sa pangalan nito, at hindi niya kilala ang taong iyon, babanggitin niya ang buong pangalan ng matanda na parang secret code. Apo nga niya ako.

Hindi alam ni Ford kung bakit ngumiti ang lalaki. Ah, ikaw pala ang piniling apo, sabi nito at inabutan siya ng envelope. Basahin mo lahat, sumunod na sinabi bago inabot sa kanya ang maliit na papel. Na nang binasa ni Ford, pangalan at numero ang nakalagay.

Abogado?

Bumalik ang tingin niya sa mukha ng lalaki.

Nagbanggit ng pangalan ang abogado. Mahirap tandaan ang apelyido, tunog magnanakaw. Pangalan lang ang natandaan ni Ford—Adelardo, na nakasulat din sa inabot sa kanyang maliit na card. Abogado ako ng lolo mo. Hihintayin ko ang tawag mo, Mister Magtanan, huling sinabi nito bago tumalikod para iwan na siya.

Attorney Magnanakaw!

Naudlot ang pagsampa ng abogado sa motorsiklo at lumingon kay Ford.

Maglalacao! parang galit na balik nito. Attorney Adelardo Maglalacao!

Tumango si Ford. Maglalacao, ulit niya. Wala akong pantawag dito. Bakit kailangan kitang tawagan?

Itinuro ng abogado ang envelope na hawak niya na nawala na sa isip ni Ford. Magbasa ka bago magtanong, sabi ng abogado, umangkas sa tanod at humarurot na palayo ang motorsiklo.

Naiwan si Ford na hinuhulaan kung ano ang laman ng envelope.

SEKRETO.

Ang daming mga sekreto ni Lolo Fil, iyon ang nasiguro ni Ford mula nang dumating ang abogado. Ang hula niya, walang sampung porsiyento ang alam niya sa buhay ng nag-iisang kapamilya.

Nakilala lang niya na sa pagbiyahe ang buhay ni Lolo Fil noon. Nag-retire na’t lahat, ayaw pa ring paawat sa pagala-gala. Biyahero si Filicitos Burgos y Zamora noong panahon nito. Kasama ng pangalan na laging inuulit-ulit sa kanya; isang bagay pa ang hindi niya dapat pakialaman at lalong hindi dapat pigilan—ang kalayaan nito.

Malayang parang ibon, ang deskripsiyon ni Lolo Fil sa kung paano nito gustong mabuhay. Kung saan masaya ang matanda, doon din siya. Walang tutol si Ford sa mga desisyon ng matanda. Hanggang nang umalis si Lolo Fil sa Bagong Awa halos sampung taon na ang dumaan, hindi pa rin pinigilan ni Ford. Alam naman niyang hindi sa lugar niya ang buhay nito.

Isa lang ang hiniling ni Ford, na huwag nitong pababayaan ang sarili at umuwing ligtas sa kanya kung hindi na kayang magbiyahe nang mag-isa.

Sa sampung taong dumaan, isang beses lang umuwi si Lolo Fil. Tatlong beses naman siyang naalala sa mga sulat. Ang una, nagsasabing nahanap na nito ang lugar na gustong puntahan. May diin ang mensahe, na mabuhay siya para sa sarili at huwag nang maghanap pa. Pang-apat na taon iyon nang pag-alis nito.

Sa ikatlong taon naman ang biglaang pagdalaw. Sa taong iyon siya pinilit na gumawa ng mga bank account, na hindi maintindihan ni Ford ang rason, tinangay naman kasi nito lahat nang umalis. Sa pang-anim na taon, Christmas card at postcard ang dumating.

Sa ikapitong taon naman dumating kay Ford ang huling sulat. Walang mahabang mensahe. Birthday greetings lang at paalalang kung mabalitaan niyang namatay na ito, gagawin niya ang anumang huling kahilingan o babalikan siya ng multo nito para sakalin. Sanay na siya sa mga ganoong banat ni Lolo Fil.

Wala nang dumating na kasunod. Sa pang-sampung taon, abogado na ang dumating at inabot sa kanya ang envelope.

Ilang segundong tumutok muna sa photo frame ang tingin ni Ford. Dalawang maliit na picture ang nasa isang frame. Silang dalawa ni Lolo Fil—noong unang dating nito sa bahay at noong bago siya iniwan. Sa unang picture, parang posteng walang kangiti-ngiting teenager ang katabi ni Lolo Fil. Sa sumunod na picture, parehong-pareho na ang ngiti nilang dalawa habang mahigpit na nakaakbay ang matanda sa kanya.

Mula sa photo frame, bumalik sa mga nakalatag sa kama ang mga mata ni Ford. Naroon ang laman ng envelope na inabot ni Attorney Maglalacao.

Tatlong black and white pictures ng mga kabataang babae, dalawang sulat na may nakadikit na instructions kung kailan dapat buksan, mga pinunit na pages na may mga nakasulat na notes o tula—hindi sigurado ni Ford kung alin sa dalawa. May halaman din na malalanta na. Mga gintong alahas na sumunod na nakita ni Ford—gintong pusong hikaw na walang kapares, gintong singsing na berdeng bato ang tampok at gintong kuwintas na walang pendant. Ang huli, picture na punit. Walang ulo ang babae. Pinunit yata ang ulo para hindi makilala.

Open me now, iyon ang nakadikit sa likod ng puting sobre sa isang sulat, na binuksan ni Ford. Ang nasa isa pang sulat: Mission accomplished? Open me now.

Ano na namang pakulo `to, Filicitos? sabi si Ford sa sarili, inilabas na ang nakatiklop na papel sa unang sulat. Na nang binasa niya, wala namang kakaiba. Ilang linyang utos lang na may banta pa.

Leofordo,

Pagod na ako. Sunduin mo na ako bago maging huli ang lahat. Hindi ka iiwan ng lugar na iyan na ayaw mong iwanan man lang. Ang mga pesteng baboy at kambing na hindi mo gustong pabayaan diyan, mapapalitan. Ang buhay ko, iisa lang!

Hayup kang bata ka! Piliin mo ako ngayon kaysa sa mga alaga mo o babaunin ko sa hukay ang galit sa katotohanang mas mahalaga ang buhay ng mga hayop kaysa sa akin.

Alam ng abogado ko ang mga lugar na dapat mong puntahan. Aalalayan ka niya para matupad ang misyon.

Magkita tayo, Ford.

Naghihintay,

Lolo Fil

Napabuntong-hininga si Ford. Wala talagang kupas si Lolo Fil. Hindi na talaga nagbago. Mag-uutos na lang, galit pa. Parang kasalanan pa niyang napagod na sa paggala. Pero mura-murahin man siya nang paulit-ulit, magkaligaw-ligaw man siya sa kung saan mang lugar ito naroon, susugod pa rin si Ford. Hindi totoong may iba siyang mas pipiliin kaysa kay Lolo Fil. Hindi niya matitiis ang nag-iisang kapamilya.

Nang sumunod na oras, ibinebenta na ni Ford ang baboy na pinagseselosan ni Lolo Fil. Susunduin niya sa Maynila si Filicitos Burgos y Zamora. Iuuwi niya ang matanda at aalagaan sa lugar na komportable at payapa na niyang tahanan.

`Konting hintay na lang, `Lo, sabi ni Ford na para bang nasa tabi niya ang matanda. Parating na ang sundo mo.

Bago siya nakaalis, may dumating na sealed package. Barangay tanod ang naghatid. Galing pa rin sa abogado. Ang mga laman: Halaman sa paso, lumang box at kopya ng dokumento. May note na nakadikit.

Buhay pa ako, Leofordo. Excited ka bang mamatay ako? Tuparin mo ang nasa testamentong ito o babalik ang kaluluwa ko para pagbayarin ka. Maayos mo akong ipalibing o habang-buhay kitang hindi patatahimikin!

Napailing na lang si Ford. Ibang klase. Namba-blackmail pa!

MAINGAT na sumilip sa bintana si Mauryn ‘Mumu’ Cagandahan. Ang view sa labas, may kausap na namang bagong lalaki si Tatang Peps, ang ama-amahan niyang ‘Perpecto Pobre’ ang buong pangalan. Hindi siya legal na inampon pero itinuring siyang totoong anak. Iniwan siya ng isang kaibigan at hindi na binalikan, iyon ang kuwento kung paano siya napunta sa poder ni Tatang Peps.

Walang iba pang detalye. Two years year old daw siya noon. Kasama sa baby things na pabaon sa kanya ang birth certificate, na ina lang ang may pangalan. Cecilia Cagandahan, na ayon sa resulta ng paghahanap ni Tatang Peps at ng tropa nito, may isang buwan nang patay nang mapunta siya sa poder nito.

Wala ka nang mga magulang. Ako na ang tatang mo at silang lahat ang mga tiyo at ninong mo. Kami ang pamilya mo, `nak...

Ganoon kasimple ang kuwento para kay Tatang Peps. Hindi na dapat laging isipin para hindi na siya nasasaktan.

Enjoying the preview?
Page 1 of 1