Discover millions of ebooks, audiobooks, and so much more with a free trial

Only $11.99/month after trial. Cancel anytime.

Liwanag at Dugo: The Fedeos
Liwanag at Dugo: The Fedeos
Liwanag at Dugo: The Fedeos
Ebook328 pages6 hours

Liwanag at Dugo: The Fedeos

Rating: 5 out of 5 stars

5/5

()

Read preview

About this ebook

Mula nang mawala ang kapatid na si Mara, ten years na walang ginusto si Mari kundi mabuo ang pamilya. Pero ang mundo, ipinagkakait sa kanya ang pangarap na iyon. Ang bunsong kapatid na si Mayumi ang sumunod na nawala sa tabi niya.

 

Naghanap ang dalaga ng kakampi na masasandalan—ang nag-alok ng tulong, si Jadd Estevez, ang lalaking ramdam niyang maraming sekreto. Sa unang pagtatama pa lang ng mga nila, alam na ni Mari na hindi ito ordinaryong tao.

May malakas na hatak sa kanya ang lalaki na hindi niya maipaliwanag.

 

At sa pagpayag niya sa alok ni Jadd, pakiramdam ng dalaga ay hindi lang ang buhay ang kanyang isinugal, pati ang puso.

Ang puso niyang wala dapat lugar ang pag-ibig.

 

Pero hanggang saan ang tatag niya kung si Jadd mismo, araw araw na nagtatangkang sirain ang matibay na proteksiyong sinadya niyang ipalibot sa sarili?

 

 At saan sila dadalhin ng pag-ibig na iyon kung sa paligid nila ay sekretong parang mga bomba—palapit na nang palapit ang oras ng pagsabog?

LanguageTagalog
PublisherVictoria Amor
Release dateSep 18, 2023
ISBN9798223535379
Liwanag at Dugo: The Fedeos

Read more from Victoria Amor

Related to Liwanag at Dugo

Related ebooks

Related categories

Reviews for Liwanag at Dugo

Rating: 5 out of 5 stars
5/5

2 ratings0 reviews

What did you think?

Tap to rate

Review must be at least 10 words

    Book preview

    Liwanag at Dugo - Victoria Amor

    MAMAMATAY si Lola Citas sa kabilugan ng buwan, Mari, bulong ni Marilag o Ate Mara para kay Marikit at sa bunso nilang si Mayumi. Mahigpit na hinawakan nito ang kanyang mga kamay, namamasa ng luha ang nag-aalalang mga mata.

    A-ano’ng sinasabi mo, Ate Mara? bulong din ni Marikit na naguluhan. Lampas alas-tres ng madaling-araw nang magising siya sa pagsigaw ng kapatid. Magkatabi silang nakahiga sa sahig. Banig lang ang proteksiyon sa lamig na tumatagos galing sa mga siwang sa sahig na gawa sa kahoy. Si Mayumi na nasa papag ay mahimbing ang tulog. Sa mga pagkakataon na may mga kakaibang panaginip ang panganay nila, si Marikit ang laging nagigising. Si... Si Lola Citas ang nasa panaginip mo?

    Apoy. Sa apoy mamamatay si Lola Citas. Malakas na apoy ang nakita kong liwanag. Nakakabulag pero nakita ko. Nakita ko siya... Nakilala ko ang babaeng nakagapos. Malinaw rin ang mga naririnig kong boses na nag-aakusa, na sumisigaw—parang maiingay na hayop na gustong makasaksi ng malupit na kamatayan...

    Umiling si Marikit. Hindi mangyayari `yan. Inulit niya ang pag-iling. Maayos tayo sa bayang `to, `di ba? Wala ang dating panganib. Kampante rin si Lolo Citas. Wala siyang sinasabi sa atin na—

    Sana nga bangungot lang `yon, putol ni Marilag.

    Sa mahinang liwanag ng gasera, nakita ni Marikit ang kislap ng luhang tumulo na sa pisngi ng kapatid, na agad nitong tinuyo. Naramdaman niyang humigpit ang hawak nito sa kanyang kamay.

    Sige, `tulog ka na uli. Bumangon ang kanyang ate, walang tunog ang mga hakbang na lumabas ng kanilang kuwarto.

    Sumunod na lang ang tingin ni Marikit. Ginagawa iyon lagi ng kapatid kapag nagising mula sa isang panaginip—ang lumabas at magpahangin.

    Pero kung dati, bumabalik agad ito sa pagtulog, hindi nang madaling-araw na iyon. Sa kung anong dahilan, may ibang kabog sa kanyang dibdib. Hindi niya gusto ang panaginip ni Ate Mara.

    Lumipat muna kay Mayumi ang tingin ni Marikit. Napansin niyang hindi maayos ang kumot sa katawan ng kanilang bunso. Walang ingay na lumapit siya at maingat na inayos ang kumot sa katawan nito. Napatitig muna siya sa payapang mukha ni Mayumi. Sa kanilang tatlo, ang bunso nila ang inuuna nilang protektahan. Kung may balang parating sa kanila, sabay nilang ihaharang ni Ate Mara ang kanilang katawan para hindi na umabot ang bala sa bunso nila.

    Pero walang balang aabot sa kanila dahil gagawin ni Lola Citas ang lahat huwag lang silang masaktan—iyon ang naghahatid ng takot kay Marikit. Sa mga panganib na kanilang hinarap at natakasan, hindi malayong mangyari ang panaginip ni Ate Mara.  Alam niyang may mga kinatatakutang panaginip ang kapatid, mga panaginip na nagkakatotoo.

    Kung si Marikit ay nakakakita ng mga eksena kapag hinawakan niya ang isang lumang bagay, ang panganay nila ay napapanaginipan ang mga eksenang parating pa lang. Silang dalawa pa lang ang nagkaaminan sa mga kakayahan nilang iyon; na nang sabihin nila kay Lola Citas ay maikli lang ang sinabi—gamitin nila ang kakayahang iyon sa mabuti at pagtulong sa kapwa.

    Hindi nagulat ang kanilang lola sa ipinagtapat nila. Ibig sabihin, inaasahan na nito na may ganoon silang kakayahan.

    Kung si Marikit, ingat na ingat sa mga bagay na hahawakan, ang Ate Mara niya ay hindi naman gustong nananaginip. Tanda niyang nangitim ang ilalim ng mga mata nito sa pagpipilit na labanan ang antok at para makaiwas sa mga panaginip. Nangyari iyon noong napanaginipan nito si Bengbeng, ang bago nilang kaibigan sa lugar na iyon, na nalunod sa ilog.

    Pagkalipas ng dalawang araw, nalunod nga sa ilog si Bengbeng. Doon na nagsimulang matakot si Marilag sa panaginip nito. Iyak ito nang iyak nang magkuwento kay Lolo Citas. Sinisisi pa nito ang sarili. Niyakap lang ni Lolo Citas si Marilag at may ibinulong.

    Nakasilip lang si Marikit kaya hindi niya narinig ang sinabi ng kanilang lola. Hindi na gustong matulog ng kanyang Ate Mara pagkatapos ng nangyari pero sa isang pausok lang ni Lola Citas paikot sa loob ng kuwarto nila, pareho silang nakatulog nang mahimbing.

    Kaya ngayon na ang Lola Citas nila ang laman ng panaginip ni Marilag, ramdam ni Marikit ang pag-aalala ng kapatid.

    Mas bumigat ang dibdib ni Marikit nang pagsilip sa bintana, nakita niyang nakaupo sa bench na nasa lilim ng puno si Ate Mara na parang umiiyak.

    Ilang minuto lang, lumapit si Lola Citas na may dalang gasera. Tama nga si Marikit, umiiyak ang kanyang kapatid. Sinalubong nito ng yakap si Lola Citas. Akala niya, gaya ng dati, mabubura din ang takot at walang mangyayaring masama.

    Nagkamali si Marikit. Nagkatotoo ang panaginip ni Marilag ilang linggo lang ang lumipas. Sapilitang dinukot ng mga lalaki si Lola Citas galing sa kubo nila, inaakusahan ng maraming kasalanan, kasama ang maling panggagamot at pagpatay. Pamilya raw nila ang salot sa lugar na iyon kaya kailangang mawala ang ugat ng kamalasan.

    Parang makasalanang mangkukulam na iginapos si Lolo Citas at pinanood ng mga kababaryo nila—habang silang magkakapatid ay tumatakas.

    Tinupok ng apoy si Lola Citas—ang pinakamasakit na trahedya sa pamilya nila. Akala nilang magkakapatid, wala nang susunod na panganib. Mali sila—bigla na lang nawala si Marilag ilang linggo pagkatapos nilang lumipat sa ibang lugar dala ang mga bagong pangalan at pagkatao.

    Si Marikit at ang bunsong kapatid ang naiwan. Wala na silang ginawa kundi ang paulit-ulit na tumakas sa panganib. Dalawang kapamilya na nila ang nawala pero hindi pa rin sapat para sa mga naghahangad ng masama sa hindi niya maintindihang dahilan.

    Mabuting tao ang Lolo Citas nila. At silang tatlo ay mga batang walang kasalanan. Bakit ganoon kalupit ang mga tao?

    Kung ang kinatatakutan ng iba ay dilim, para sa kanila ni Mayumi ay proteksiyon iyon. Ligtas sila kung walang liwanag. Palaging oras ng pagtakas ang gabi...

    Xien?

    Napapitlag si Xien. Kumurap siya nang ilang beses bago naging malinaw ang view sa harap niya—mga kubo sa di-kalayuan. Wala pala siya sa bintana ng kubo nilang maglolola. Wala rin siya sa bench sa lilim ng puno.

    Nasa isang bagong lugar siya at mag-isa.

    At wala na rin si Abby sa tabi niya...

    Umangat ang kamay ni Xien at pasimpleng pinahid ang luha sa pisngi. Hindi niya namalayang umiiyak na naman siya sa gitna ng pagbabalik-alaala.

    Jadd, mahinang sabi niya nang lumingon. Ang matangkad na pigura nito na kakulay ng gabi ang nagpaalala kay Xien na nasa ibang kapaligiran na siya. Na hindi na siya si Marikit na apo ni Felicitas Magdiwa at kapatid nina Marilag at Mayumi—mga kapatid na hindi na rin niya kasama.

    Ang kasama niya ngayon ay isang lalaking parang gustong maging kaisa ng gabi. Palaging nakaitim si Jadd, walang ingay na nakakalapit sa kanya. Dumarating at nawawala na lang sa kubo na wala siyang ideya kung ano ang ginagawa sa labas ng Owl Village kung ang lakad ay walang kinalaman sa grupo. Ang lalaking may makulay na tattoo sa isang bahagi ng mukha.

    Nasa bagong lugar na si Xien. At sa lugar na iyon—ang Owl Village—siya na si Xien na girlfriend ni Jadd. Si Jadd na leader ng Owl, na ang alam niya ay grupo ng mga beast hunter.

    Hinihintay mo ako?

    Nakaangat ang kilay na biglang bumalik ang tingin ni Xien sa lalaki. Ba’t kita hihintayin? malamig niyang balik, walang emosyon.

    Baka lang na-miss mo ako—girlfriend? Matipid na ngumiti si Jadd.

    Walang reaksiyon si Xien habang nakatingin lang sa mukha ni Jadd. Hindi na bago ang mga ganoong linya ng lalaki. Hindi na rin bago rito ang blangkong ekspresyon ng kanyang mukha at kawalan ng reaksiyon.

    Mas malamig ka pa sa gabi, sabi ni Jadd at umupo sa tabi niya.

    Gaya ng dati, hindi man lang tuminag si Xien. Pero nang umangat ang kamay ng lalaki, nagsalita na agad siya.

    Walang hawak, Jadd, paalala niya sa mababang boses. "O mawawalan ka ng girlfriend."

    Chapter One

    Isang buwan na ang nakararaan...

    ANG dilim at sukal ay kaligtasan habang panganib ang liwanag sa gabi. Hindi sila dapat maabutan ng liwanag.

    Inabot ni Xien ang kamay ni Abby at mahigpit na hinawakan. Hinila niya ang kapatid para tumakbo. Walang protestang nagpahila ito at sumabay sa malalaki niyang hakbang.

    Pareho silang sanay na sanay sa pagtakas. Hindi na bago ang ganoong eksena, na nasa labas sila sa gitna ng gabi at nagpipilit umiwas sa liwanag—dahil ang liwanag ang magpapahamak sa kanila. Ang liwanag ang tutulong at magtuturo sa kanila sa mga taong hindi niya maintindihan kung bakit ayaw silang tigilan, kung bakit ayaw silang bigyan ng katahimikan.

    Sa pagkawala ni Lola Citas, hindi na sila nagkaroon ng katahimikan. Naging oras ng pagbabantay ang mga gabi na dapat ay pahinga nilang magkapatid. Hindi sila nagtatagal sa isang lugar. Sino man sa kanila ni Abby ang makaramdam ng panganib, agad-agad nilang iniiwan ang lugar.

    Nawala na sa kanila si Lola Citas, ganoon din si Dream. Hindi na niya kakayanin kapag si Abby pa ang napahamak.

    Nagdesisyon na agad si Xien na ilayo ang kapatid sa panganib. Hindi siya sigurado sa sariling kaligtasan pero susugal siya. Kailangan nilang maghiwalay ni Abby. Kung tama siya, dugo nila ang humahatak ng panganib, gaya ng sinasabi ng mga taong may galit sa pamilya nila.

    Para malito ang mga nakakasagap ng amoy ng kanilang dugo, dapat ay nasa magkaibang lugar sila.

    Nakausap na ni Xien si Nirvina. Nangako ang babae na hindi pababayaan si Abby sa Maynila. Naniniwala pa rin siya sa kabutihan ng babaeng iyon. Pero kung nagkamali man siya ng pagtitiwala at mapahamak si Abby, siya mismo ang maniningil. Hindi niya bibigyang ng pagkakataong humingi ng tawad ang traidor.

    Hinigpitan ni Xien ang hawak sa kamay ng kapatid. Ramdam niyang basa na siya ng pawis. Alam niyang ganoon din si Abby pero hindi bumabagal ang pagtakbo nito na sinasabayan siya. Hindi man nagsasalita ang bunso nila, hula ni Xien ay pareho sila ng iniisip—kung kailan darating ang isang gabing wala nang panganib at ligtas na silang tumingin man lang sa buwan.

    Kung buhay siguro si Lola Citas, madali lang silang kakalma ni Abby. Sasagutin nito ang mga tanong at magpapaliwanag sa mahinang boses, sabay ng pagpapausok. Makikinig sila hanggang abutin ng antok. Magigising silang umaga na—at naging ligtas sa lumipas na buong gabi.

    Pero wala na si Lola Citas. Naiwan sila ni Abby na wala nang ginawa kundi tumakas. Kung hindi nila gagawin iyon, mawawalan na sila ng pagkakataong mahanap si Dream. Hindi isusuko ni Xien ang posibilidad na buhay ang kapatid. Nawawala lang ito. Walang nakitang bangkay. Buhay ang panganay nila, kakapitan niya ang kahit maliit na posibilidad.

    Sixteen si Dream, eleven si Xien, at seven years old naman si Abby nang mamatay si Lola Citas. Naging totoo ang panaginip ni Dream. At habang tinutupok ng apoy si Lola Citas, nasa kagubatan silang magkakapatid para tumakas. Sa utos kay Dream ng kanilang lola, kasamang tinupok ng apoy ang mga nakaraan nila. Sa bagong lugar, wala na sina Marilag, Marikit, at Mayumi. Isinilang ang mga bago nilang pagkatao—Dream, Xien, at Abby.

    Naging maayos ang mga unang buwan nila sa bagong lugar pero sa ikatlong buwan, bigla na lang nawala si Dream. Umalis ng bahay ang kapatid para bumili ng mga kailangan nila, hindi na ito bumalik. Naiwan sila ni Abby. Naiwan kay Xien ang responsibilidad na protektahan ang kapatid. Sa pagkawala ng panganay na pinakamatatag sa kanilang tatlo at mas nakakaintindi kay Lola Citas, naging sentro na ng atensiyon ni Xien na pangalagaan si Abby.

    Naging mas mahalaga ang kaligtasan kaysa sa pormal na edukasyon. Hindi man nagkaroon ng pagkakataong pumasok sa ekuwelahan, hindi nila isinuko ni Abby ang pagkatuto. Tinuruan nila ang mga sarili. Binabasa nila ng kapatid sa mga oras ng katahimikan ang mga lumang libro at kung ano-anong babasahin. Itinuturo niya kay Abby ang lahat ng mga natutuhan, ganoon din ang kapatid sa kanya. Tinanggap ni Xien nang buo ang kakayahan niya, samantalang si Abby, dahil sa edad, ay hindi gustong isipin ang espesyal na kakayahan. Hindi nito gustong malaman ang iniisip ng ibang tao.

    Kung paano nilang natakasan ang panganib sa loob ng ilang taon, gustong isipin ni Xien na binabantayan pa rin sila ni Lola Citas. Nakakatagpo sila lagi ng may mabubuting puso na nagiging mga tagapagligtas nila—nakakatulong sa iba’t ibang paraan para makalayo sila sa kapahamakan.

    At nang sandaling iyon, si Jadd, na isang bagong kakilala at ang grupo nito ang tumulong sa kanila. Bago pa umabot sa pinagtataguan nilang bahay ang mga tao, nakaalis na sila ni Abby. Sa instruction ni Jadd, nakahanap sila ng ligtas na daan palayo sa lugar.

    Kailangan mo nang umalis dito, Abby, sabi ni Xien sa kapatid, tumaas-baba ang dibdib sa pagod. Magkahawak-kamay pa rin sila habang sabay na tumatakbo. Ayon kay Jadd, naglalagos sa kabilang baryo ang daan na pinasok nila. Naalala ni Xien na sa mga ganoong pagtakas, sila ang laging magkahawak- kamay ni Abby. Utos iyon ni Dream—na hindi niya dapat bitawan ang kamay ng kapatid kahit ano ang mangyari. Sa maraming pagkakataon, si Dream ang humihiwalay para iligaw ang mga naghahanap sa kanila. Mas nauna silang nakakapagtago ni Abby pero lagi nang dumarating nang ligtas ang kapatid sa lugar na usapan nilang pupuntahan.

    Mabigat sa dibdib na wala na ang panganay nila para iligaw ang mga kaaway. Natatakot si Xien pero hindi iyon dapat makita ni Abby.

    Hindi na tayo ligtas. Buhay si Dream, nararamdaman ko, bulong ni Xien sa kapatid. Kung mabibihag tayo ng mga taong `yan na hindi ko alam kung ano talaga ang pakay sa `tin, hindi na mabubuo pa ang pamilya natin. Hindi puwede `yon, Abby. Magkikita pa tayong tatlo. Walang dapat mapahamak isa man sa atin, naiintindihan mo?

    Ramdam ni Xien ang pagtutol ng kapatid. Naiintindihan niya na natatakot si Abby na malayo sa kanya. Nasanay ito na pinoprotektahan niya, na lagi siyang nasa tabi nito para ilayo sa panganib.

    Paano ka? Mag-isa ka rito, Xien. Sino’ng mag-aalaga sa `yo? Sino’ng kakampi mo rito? Kung magkasama tayo—

    Sundin mo ako, putol ni Xien na mas hinigpitan ang hawak sa kamay ni Abby. Ito ang dapat nating gawin para makasiguro akong ligtas ka. Kung magkasama tayo, madali sa kanilang hulihin tayo nang sabay. May ligtas akong mapupuntahan. Ikaw ang dapat na makalayo agad.

    Pero—

    Sundin mo ako, mas mariing sabi ni Xien. Nauubos na ang oras nila. Palapit ang panganib. Hindi sila dapat makita ng sinuman sa lugar. Mas kaya kong pangalagaan ang sarili ko rito. Madali na lang mag-iba ng lugar. Hindi nila basta mapapasok ang lugar na pagtataguan ko.

    May narinig silang mga boses. Hinila agad ni Xien ang kamay ni Abby at itinuloy nila ang pagtakbo. Hindi na niya pinansin ang matalim na mga halaman. Sanay na sila ng kapatid. Bale-wala na lang ang mga sugat. Isa lang ang nasa isip nila-ang makalabas sa lugar na iyon nang ligtas.

    Saan mo ako ihahatid? nag-aalang tanong ni Abby.

    Hinila ni Xien ang kapatid para makapagtago sila sa mataas na puno. Masukal ang lugar, hindi sila basta-basta mahahanap doon lalo na at madilim. 

    Kay Nirvina.

    Nirvina! bulalas ni Abby na inaasahan na ni Xien.

    Kilala ng kapatid ang babae. Recruiter ng kadalagahan sa kabilang baryo si Nirvina. Hindi na bumabalik pa sa isla ang mga babaeng pinangakuan nito ng trabaho sa Maynila. Kung ligtas at napahamak na, hindi talaga sigurado ni Xien. Pero marami sa mga kapamilya ng mga babaeng inalok ni Nirvina ng trabaho ay galit na rito. Kung tsismis o totoong bugaw si Nirvina, hindi na mahalaga. Nangako ang babae na hindi pababayaan si Abby. Panghahawakan niya ang sinabi nito na sapat ang nagawang tulong ni Lola Citas para gantihan nito ng parehong kabutihan.

    Xien, ayoko...

    Napabuntong-hininga si Xien, mas kinabig pa ang kapatid para mas maitago sila ng katawan ng matandang puno. Nilingon niya ang mga liwanag ng sulo—ang patunay na parating na ang grupong tinatakasan nila. Wala na ang liwanag. Ibig sabihin, nagawa nilang takasan ang grupo.

    Makinig ka, sabi niya kay Abby. Hindi ko gagawin `to kung hindi ako nakakasiguro na magiging maayos ang kalagayan mo sa Maynila. Hindi gagawa si Nirvina ng anumang wala sa usapan namin. May utang-na-loob `yon kay Lola Citas. Alam din niyang hindi ako magpapatawad `pag napahamak ka. Humigpit ang hawak niya sa balikat ni Abby. Hindi pa buo ang tiwala ko sa grupo kaya hindi kita puwedeng dalhin sa kanila, `By. Kung nagkamali ako ng pagtitiwala, ako na’ng bahala sa sarili ko. Hinawakan niya ang mukha ng kapatid. Gawin mo nang tama ang trabahong ibibigay sa `yo ni Nirvina. Ipinangako niyang magkakaroon ka ng ligtas na bahay hanggang sa araw na magkita tayo sa Maynila.

    Susunod ka ba agad? Wala akong tiwala kay Nirvina pero dahil sinabi mo, gagawin ko...

    Susunod ako, Abby, pangako ni Xien. Mag-iingat ka habang wala ako. Bumaba uli sa kamay nito ang hawak niya. `Yang gift sa iyo, gamitin mong proteksiyon para pangalagaan ang sarili mo. Magkikita tayo sa Maynila. Kailangan ko lang masiguro na may aasahan akong proteksiyon sa grupo.

    Xien...

    Huwag kang matakot, ha? pagpapalakas niya ng loob sa kapatid. Kaya mo `to, `By. Kaya mo nang mag-isa, maniwala ka. Nasanay ka lang na magkasama tayo kaya takot kang harapin ang pagbabago. Matapang ka. Matapang tayo. Nasa dugo natin `yon. Hahanapin pa natin si Dream kaya kailangan nating maging ligtas hanggang magkakasama na uli tayo.

    Gustong ipaliwanag ni Xien sa kapatid ang mga dapat nitong maintindihan pero maging siya ay nalilito rin. Hindi siya sigurado kung alin sa mga alam niya ang tama. Hindi pa rin niya talaga sigurado kung sino-sino ang mga taong gusto silang makuha. Kung totoo na ang dugo nila ang kailangan o ayaw lang talaga ng mga ito na may makitang buhay na kadugo si Lola Citas, hindi na niya gustong alamin pa.

    Yumakap si Abby nang mahigpit sa kanya. Ramdam ni Xien ang takot ng kapatid. Kung may pagpipilian lang talaga, hindi niya hahayaan si Abby na mag-isa sa Maynila. Pero sa sitwasyon nila, mas gugustuhin niyang ligtas sila kahit magkalayo kaysa magkasama at mapahamak naman ang kapatid. Kung mali man siya ng desisyon, handa si Xien na harapin ang resulta ng ginawa niya. Ang mahalaga lang talaga sa kanya ngayon, ligtas si Abby. Siguro naman sa Maynila, wala na ang mga taong malakas ang pang-amoy at lagi silang nahahanap.

    Ibinigay ko kay Nirvina ang gintong minana natin mula kay Lola Citas, sobra-sobra na `yon para siguruhin niya ang kaligtasan mo.

    Ikaw, saan ka na pupunta?

    Sa Owl Village.

    May ideya si Abby sa grupo at kung saan nakatira ang mga ito. Nakita na nito si Jadd. Pero gaya ni Xien, hindi rin alam ng kapatid kung ligtas talaga ang pagkampi niya sa grupo. Alam nito na isinusugal niya ang sariling kaligtasan para sa kanilang dalawa. Nauubusan na kasi siya ng paraan para tumakas. Hindi na rin maluwang ang lugar para sa kanila. Kung magpapatuloy lang sila sa paulit-ulit na pagtakas, mawawalan na siya ng pansuporta sa kapatid. Naibigay na niya kay Nirvina ang huling ginto. Wala na siyang magagalaw pa.

    Hihintayin kita sa Maynila, sabi ni Abby, hindi gustong bitawan ang kamay niya.

    Pupuntahan kita, pangako ni Xien at niyakap ang kapatid nang mahigpit. Darating ako, `By. Hindi kita matitiis, alam mo `yan, `di ba? Ikaw na muna ang bahala sa sarili mo habang wala ako. Hahanapin pa natin si Dream kaya kailangan nating malampasan `to.

    Gumanti ng mahigpit na yakap si Abby. Siguro ginawa na ng kapatid kung posibleng ikulong siya ng isang yakap para hindi makaalis. Ramdam niya ang takot nito na nagdaragdag pa ng bigat sa kanyang puso. Mami-miss niya ang bunso nila pero wala talaga siyang pagpipilian.

    Pumikit na lang si Xien, pinigilan ang pagpatak ng luha. Hindi siya iiyak. Hindi ngayong kasama pa niya si Abby. Hindi nito dapat makita na pinanghihinaan siya ng loob. Gusto niyang maging matapang para sa kapatid. Gusto niyang sa kanya ito humugot ng lakas.

    Paulit-ulit ang paghaplos ni Xien sa buhok at likod ni Abby. Gusto niyang mapanatag ang kapatid. Hindi man niya alam kung ano ang buhay na naghihintay rito sa Maynila, umaasa siyang hindi niya pagsisisihan ang mahirap na desisyong iyon. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag napahamak si Abby. At lalong hindi niya mapapatawad si Nirvina!

    GALING sa palengke si Xien. Paglubog talaga ng araw siya lumalabas ng bahay para umiwas sa mga matang posibleng mamukhaan siya. Maraming taon na silang naging ibang tao pero hindi pa rin talaga nawala ang panganib. Nang mawala si Dream, nabuhay sila ni Abby na palaging tumatakas, palipat-lipat ng lugar sa paiba-ibang disguises. Nang linggong iyon na nawala si Dream, agad-agad na ginupitan nila ng buhok ang isa’t isa. Nawalan ng bakas ang mga teenager na mahahaba ang buhok. Naging magkapatid silang parehong lalaki sa bagong lugar. Salamat sa mga gintong ipinatago ni Lola Citas kay Dream at ipinasa naman sa kanya ng kapatid bago ito nawala, nakatakas sila sa isla at hindi nagutom sa bagong lugar.

    Ilang taon na nabuhay sila nang tahimik. Napalapit din sila ni Abby sa matandang mag-asawang nag-alok ng tulong—sina Lolo Noy at Lola Mayang. Pag-aari ng mga ito ang malawak na lupaing may palayan at taniman ng gulay. Sa barko nila nakilala ang dalawang matanda at inalok sila ng tulong nang malamang wala silang matitirhan habang hinahanap ang nawawalang kapatid—iyon ang dahilang ibinigay ni Xien sa mga nagtatanong sa bawat paglipat nila ng lugar. Hindi rin naman kilala ng mga ito ang ibibigay niyang pangalan ng nawawalang kapatid—Dream.

    May dalawang bahay sa lupain nina Lolo Noy at Lola Mayang. Hindi naman daw ginagamit ang lumang bahay ng anak na namatay na kaya sila na lang ang tumira. Naging anak-anakan sila ng dalawang matanda, katulong ng mga ito mula sa pagtatanim hanggang anihan. Nakatagpo sila ni Abby ng bagong pamilya pero nang magkasunod na mamatay ang dalawang matanda, nagsimula na naman ang bagong problema. Inaangkin na rin ang lupa ng mga tumulong para mailibing

    Enjoying the preview?
    Page 1 of 1