Discover millions of ebooks, audiobooks, and so much more with a free trial

Only $11.99/month after trial. Cancel anytime.

Gricko (Before Midnight): The Fedeos
Gricko (Before Midnight): The Fedeos
Gricko (Before Midnight): The Fedeos
Ebook482 pages8 hours

Gricko (Before Midnight): The Fedeos

Rating: 5 out of 5 stars

5/5

()

Read preview

About this ebook

Nagkamalay siyang gutom na gutom, nanghihina at nanginginig. Ang unang nakita niya, lalaking naka-mask. Na nang ma-expose ang braso, agad niyang sinugod at kinagat. Hindi pagkain ang solusyon sa gutom at masamang masamang pakiramdam—dugo.

Nakakatakot ang mga sumunod na realisasyon.

Dugo ang nagbalik ng kanyang lakas.

Halimaw na siya…

Na sabik sa dugo.

Na walang alaala.

Na walang nakaraan.

Sino nga ba siya?

LanguageFilipino
PublisherVictoria Amor
Release dateAug 30, 2022
ISBN9798215708347
Gricko (Before Midnight): The Fedeos

Read more from Victoria Amor

Related to Gricko (Before Midnight)

Related categories

Reviews for Gricko (Before Midnight)

Rating: 5 out of 5 stars
5/5

20 ratings7 reviews

What did you think?

Tap to rate

Review must be at least 10 words

  • Rating: 5 out of 5 stars
    5/5
    Grabe! Nawindang ako Kay Gricko. Ang dami Kong Hindi naintindihan na words pero sobrang Ganda nya. Keep it up Miss VA! Looking forward sa book 2.
  • Rating: 5 out of 5 stars
    5/5
    Super ganda po. Still waiting po sa book 2 Miss VA.
  • Rating: 5 out of 5 stars
    5/5
    Thanks Ms. V .A. for this book, i’am looking forward for Gricko Book 2???
  • Rating: 5 out of 5 stars
    5/5
    My gosh! Ang lupet ng Rafir ?
    Gusto ko rin po yun Ms VA, please ,gustong-gusto ko ?
    Kinilig ako ng bongga. Sobrang na-mis ko talaga mga bampira mo po.

    Thank you so much po Ms VA. Waiting sa book 2 ?

    Aaah-aaaaaah!
  • Rating: 5 out of 5 stars
    5/5
    Thank you so much Ms. V for publishing this book. Finally Gricko is here!! More power. Saranghae! ?
  • Rating: 5 out of 5 stars
    5/5
    Sa wakas meron na pero Hindi ko maaccess Yun libre???
  • Rating: 5 out of 5 stars
    5/5
    Thank you somuch Miss V.A at long last makakapiling ko navsi Gricko kahit phone na lang yayakapin hindi ang books haha .Love it . Godbless

Book preview

Gricko (Before Midnight) - Victoria Amor

PINTIG na kakaiba. May parating. Panganib ba?

Biglang bumangon ang hujik. Nasapo niya ang dibdib, hindi pantay ang paghinga na inikot ang tingin sa paligid.

Ah, naroon pa rin siya. Sa pamilyar na silid sa bahay na iyon. Ang lumang bahay sa gitna ng isang malawak na lugar na napapaligiran ng matatandang puno. Nag-iisa ang bahay na iyon. Walang sinuman ang nakakapasok.

O baka mas tamang sabihin na walang nakakaalam ng lugar?

Maging ang hujik ay hindi alam ang eksaktong kinaroroonan ng bahay na iyon. Ang bahay na halos sampung taon na niyang naging kulungan—at tahanan.

Kulungan, dahil hindi siya maaring lumabas sa bahay na walang pahintulot ang kanyang Rafir o master. Isa lang siyang hujik o alipin na walang dapat gawin kundi sumunod. Wala siyang karapatang sumuway sa Rafir na nagbigay sa kanya ng bagong buhay sampung taon na ang lumipas. Wala man sa plano ang nangyari, ang magkaroon ng bagong buhay ay pinili niya—para sa tungkulin at misyon na hanggang ngayon ay hindi pa malinaw sa kanya.

Nabura ang lahat ng kanyang alaala nang makamit niya ang bagong buhay. Pero sa isang bahagi ng kanyang isip ay may isang malinaw, ang hindi nawalang kasama ng iba pang mga alaala. Ang mensahe ng misteryosong boses na nagsasabing nabubuhay siya para sa isang tungkulin at misyon na hindi niya alam kung ano. Walang paliwanag kung bakit hindi kasamang tinangay ng mga nawalang alaala ang matibay niyang paniniwala—na nabubuhay siya para sa misyon na iyon.

Espesyal ka, kabilang sa angkan ng malinis na dugo. Manatili kang birhen hanggang dumating sa tamang edad si Mayumi. Ipaabot mo rin kay Marikit ang halaga ng pagiging puro ng malinis na dugo. Mabubuhay kayong tatlo para sa isang mahalagang tungkulin at misyon na tutuparin n’yo para sa akin. 

Ang boses na iyon ang laging nagpapaalala sa hujik na sa labas ng kanyang kulungan at tahanan ay may mga taong maaring iniwan niya: Sina Marikit at Mayumi, na ang simpleng pagtawid ng mga pangalan sa kanyang isip ay naghahatid ng kakaibang tibok sa dibdib. Hindi man niya maalala, nakatitiyak siyang mahalagang tao sa kanya ang dalawa.

Para sa hujik, liban sa kulungan ay tahanan din ang bahay na iyon. Tahanan, dahil naroon ang kaligtasan. Walang nagbabanta sa kanyang buhay sa loob ng mga taong lumipas na naroon siya. Kapayapaan, tahimik ang mga araw at gabi niya sa lugar na iyon sa kabila ng pag-iisa. Kapanatagan, dahil hanggang umuuwi ang Rafir ay alam niyang may isang kakamping hindi siya pababayaan.

Ang magandang kalikasan, mahabang panahon niyang nagamit para palakasin ang sarili, sa tulong rin ng Rafir.

Naging tahimik ang mga nakalipas na taon hanggang nang gabing iyon na hindi maawat ang malakas na tibok sa kanyang dibdib. Malinaw niyang nakita ang isang magandang babae na tangay ng isang babaeng bampira. Dinala ng bampira sa isang silid ang magandang babae. Naroon sa silid ang isang matanda na halos naghihingalo na. Sa tagpong may sinasabi ang matanda sa magandang babae, lumusob ang mga kaaway!

Mga itim na halimaw na pinamumunuan ng isang matangkad na pigurang nakaitim hawak ang makinang na patalim. May isa pang babaeng bampirang dumating, na lumaban sa mga itim na halimaw. 

Nasa tapat na ng saradong pinto na kinaroroonan ng magandang babae at ng matanda ang pinuno ng mga halimaw nang maputol ang masamang panaginip. Nagising ang hujik na pawisan at hindi pantay ang paghinga.

Ano ang ibig sabihin ng kanyang panaginip? Simpleng panaginip lang ba iyon?

Napapikit ang hujik nang makaramdam ng kirot sa dibdib at ulo. Mas lumalakas ang pintig ng kanyang puso habang ang kirot sa ulo niya ay sumisidhi. Papasidhi hanggang hindi na niya napigilan ang mariing pagpikit. Bumagsak siya sa kama at tulalang napatitig sa itaas—kung saan niya nakita ang mga eksena. Mga eksenang dumarami. Parami nang parami.

Mga eksenang nawala at ngayon ay binabalikan siya.

Mga eksenang nagmula sa nakaraan.

CHAPTER 1

MUKHA NG KARAHASAN: ANG NAKATADHANANG KAMATAYAN AT BAGONG BUHAY

Sampung taon na ang nakaraan...

GALIT na mga boses ang gumising kay Marilag. Naging alerto agad ang mga pandama niya. Ang puso niya, para bang nakaramdam. Iba na ang naging kabog. Mabilis siyang bumangon, hinanap agad ng mga mata ang pamilya.

Si Mayumi, nasa papag at mahimbing ang tulog mag-isa. Ang lola nilang si Felicitas Magdiwa o Lola Citas ang dapat ay katabi nito. Sa mga gabi o madaling araw na nagigising si Marilag na wala ang Lola nila, wala na siyang gagawin kundi mahiga uli. Nasanay na siyang iniiwan ni Lola Citas si Mayumi. Kung hindi naghahanda ng mga halamang gamot sa labas ay nasa balkonahe ito at nakaharap sa Silangan; nagdarasal. Matatapos ang mahabang panalangin nito sa pagsilip ng araw.

Si Marikit ay nasa tabi niya, mahimbing rin ang tulog.

Sunugin ang malas! malakas na boses lalaki ang sumigaw. Napapitlag si Marilag. Kumabog ang kanyang puso. Nasa malapit ang mga boses? Nasa malapit sa kubo nila ang mga tao?

Ingat na ingat na bumangon siya, iniwan ang kapatid sa banig na tulugan nila. Walang tunog ang mga hakbang na lumapit sa bintana si Marilag at sumilip.

Nanlaki ang mga mata niya sa nakita. Nasa harap nga ng kubo nila ang mga tao. Natakpan ng liwanag ng mga sulo ang ganda ng liwanag ng buwan. Mga kalalakihan sa lugar ang mga may hawak na sulo. Sabay sabay rin na nagsasalita ang mga babae sa grupo. Masasakit na salita na nag-aakusa. Mga galit na sigaw na nakatuon sa iisang taong dinuduro ng mga ito, binabato, hinahampas.

Lola Citas!

Hindi maaring wala siyang gawin. Kailangan ni Lola Citas ang tulong. Walang magagawa ang isang teenager laban sa grupo pero hindi siya basta uupo na lang. Ipagtatanggol niya si Lola Citas. Walang kasalanan ang pamilya nila sa mga tao. Manggagamot si Lola Citas. Walang katotohanan ang mga bintang na naririnig niya.

Tigil, Marilag!

Narinig niya sa isip ang boses ni Lola Citas. Bigla ang paghinto ni Marilag sa paghakbang. Nakuyom niya ang kamay habang nakatitig sa pintong bubuksan pa lang. Ang epekto ng boses sa isip niya, para siyang nasampal kaya natauhan. Naalala niya ang mahigpit na utos ni Lola Citas.

"Sa mga oras ng panganib, ang mga kapatid mo at hindi ako ang kailangan mong protektahan, Mara. Responsibilidad ko kayong pangalagaan. Ang anumang panganib na parating, hayaan mong ako ang humarap. Kung sakaling hindi maging sapat ang aking kakayahan, una mong pangalagaan sina Marikit at Mayumi, maliwanag ba?" Ang mariin na bilin nito, gamit ang dialekto nila sa lugar.

Hindi na kumilos pa ang mga paa ni Marilag. Mas humigpit na lang ang kuyom niyang mga kamay. Hindi man niya alam kung iyon na ang panganib na binanggit ni Lola Citas, kailangan niyang sundin ang salita nito.

Mula nang nagkaisip siya, mga salita na ni Lola Citas ang gabay niya, nilang magkakapatid. Mga turo at pangaral nito ang lagi nilang sinusundan. Ang mga iyon din ang laging proteksiyon nila sa panganib. Ni minsan ay hindi sila napahamak sa pagsunod sa bilin nito.

Bumalik si Marilag sa tapat ng bintana. Papalayo na ang mga tao. Hinintay niyang mawala ang huling liwanag ng sulo. Nang tahimik na sa labas, kinumutan niya pareho ang mga kapatid. Dala ang flashlight, lumabas siya ng kubo nila para sundan ang sinag ng liwanag—ang direksiyong tinungo ng mga tao.

At sa espasyo sa plaza, natanaw niya ang mga taong abala sa kung anumang pinapanood. Suot ang jacket na nakasuklob sa ulo ang hood, mas lumapit si Marilag. Pakiramdam niya ay nasaksak nang marahas ang kanyang puso nang malinaw na makita ang sentro ng atensiyon ng mga tao.

Si Lola Citas na nakagapos sa poste, napapaligiran ng tuyong kahoy na may nagbubuhos na kung ano—naamoy niya sa hangin ang pamilyar na amoy ng gasolina.

Lola Citas!

Nagsimulang tumulo ang luha ni Marilag. Naghahalo ang galit at takot sa dibdib. Kuyom na kuyom ang kamay sa galit pero hindi siya makagalaw. Isang maling kilos, isusuong niya ang sarili sa panganib—ang pinakaiiwasan ni Lola Citas.

Wala mang maintindihan kung paanong mabilis na nag-iba ang tingin ng mga kababaryo nila kay Lola Citas, alam ni Marilag na may nagplano ng lahat ng iyon. May kaaway ang pamilya nila—ang dahilan ng paglipat-lipat nila ng lugar.

Ang kaaway na iyon ay nagtagumpay nang ibagsak si Lola Citas.

Nanlamig ang buong katawan ni Marilag. Gustong gusto niyang takbuhin ang Lolang pinangalagaan sila ng maraming taon. Gusto niyang sugurin ang panganib at yakapin ito, protektahan sa apoy. Gusto niyang sumigaw nang buong lakas, sagutin ang lahat na paratang para ipagtanggol si Lola Citas pero hindi iyon magiging sapat. Hindi sila maililigtas ng kahit anong kilos na gagawin niya. At kapag pareho silang napahamak ni Lola Citas, wala nang magtatanggol at poprotekta sa mga kapatid na naiwan sa kubo.

Alam ni Marilag na kung tatanungin niya si Lola Citas, isa lang ang iuutos nito—ang tumakas siya.

Nagsunod-sunod ang malalaking patak ng luha ni Marilag. Parang sasabog sa sakit ang puso niya. Para na rin siyang sinasakal sa nararamdamang sakit sa dibdib.

Nag-angat siya ng tingin para titigan si Lola Citas. Nakatungo ang ulo nito kanina pero ngayon ay nag-angat na ng mukha—at ang mga mata nito, nakatutok na sa kanya.

Lumayo ka! Lumayo ka, Marilag!

Napaatras siya. Hindi bumuka ang mga labi nito pero malinaw niyang narinig ang boses. Isa iyon sa mga kakayahan ni Lola Citas na hindi niya kayang ipaliwanag. At isa rin sa patunay ng pagiging iba niya.

Nagsunod-sunod ang pag-atras ni Marilag.

Sabay nang pagsiklab ng apoy sa kaliwa ni Lola Citas, tumalikod na si Marilag at maingat ang mga hakbang na naglakad. Tiniyak niyang walang nakapansin ng kanyang paglayo sa lugar. Tuloy-tuloy ang mga hakbang niya. At nang matiyak na sapat na ang distansiya sa mga tao, lumingon siya—napakaliwanag na ng plaza dahil sa apoy. Natatabunan na ang imahe ni Lola Citas na nakagapos. Pero ang boses ng mga taong sumisigaw at nambibintang, malinaw na malinaw niyang narinig.

Tumalikod si Marilag at tumakbo papasok sa gubat. Palakas nang palakas ang pag-iyak niya sabay nang papabilis din na pagtakbo. Bago siya nakarating sa kubo, malakas na malakas na sumigaw si Marilag.

Lola Citas!

Napapitlag si Marilag sa lakas ng sariling boses.

At nagising na hindi pantay ang paghinga.

Naramdaman niya ang pagkapit ng kapatid sa kanyang braso. Nagising na naman ito, gaya nang mga gabi o madaling-araw na nagigising siyang walang dahilan o pagkatapos ng panaginip.

Ate Mara?

Napahagod na si Marilag sa buhok. Hindi niya gustong magsalita. Hindi niya gustong sabihin sa kapatid ang panaginip pero parang sasabog na siya sa halo-halong emosyon. Nangingibabaw sa mga emosyon ang takot. Ramdam niyang hindi ordinaryong panaginip iyon.

Naiipon na ang luha sa mga mata niya.

Mamamatay si Lola Citas sa kabilugan ng buwan, Mari, bulong ni Marilag kay Marikit, mahigpit niyang hinawakan ang kamay nito. Sa dalawang kapatid, si Marikit ang mas matatag. Si Mayumi ay baby nila, na gusto nilang dalawa na protektahan sa lahat ng nakakasakit. Hindi niya kakayaning ipaalam kay Mayumi ang panaginip—hindi, ang pangitain na katatapos lang.

A-ano’ng sinasabi mo, Ate Mara? bulong din ni Marikit, nasa mga matang naguluhan at nag-alala. Sanay man ang kapatid sa pagbangon niya sa hatinggabi o madaling araw, ang sinabi niyang masamang balita ay ramdam ni Marilag na hindi nito gustong paniwalaan.

Nilingon ni Marikit si Mayumi na payapa ang tulog sa papag. Si... Si Lola Citas ang nasa panaginip mo?

Napalunok muna siya. Mas humigpit ang hawak sa kamay ng kapatid. Kung magagawa lang niyang pigilan ang mga panaginip, matagal na niyang ginawa.

Mula nang matuklasan niya ang espesyal na kakayahan, hindi na niya ginustong magkaroon ng kahit anong panaginip. Pero katulad ng panganib na hindi hinahangad ng tao, dumarating din ang mga panaginip na gusto niyang iwasan at pigilan.

Apoy. Sa apoy mamamatay si Lola Citas. Malakas na apoy ang nakita kong liwanag. Nakakabulag pero nakita ko. Nakita ko siya... Nakilala ko ang babaeng nakagapos. Malinaw rin ang mga naririnig kong boses na nag-aakusa, na sumisigaw—parang maiingay na hayop na gustong makasaksi ng malupit na kamatayan.

Hindi mangyayari `yan. Si Marikit na paulit-ulit ang pag-iling. Maayos tayo sa bayang `to, `di ba? Wala ang dating panganib. Kampante rin si Lola Citas. Wala siyang sinasabi sa atin na—

Sana nga bangungot lang `yon, agaw ni Marilag sa sinasabi ng kapatid. Hindi niya napigilang tumingin kay Mayumi, at kay Marikit din. Napakabata pa ng mga kapatid. At siya rin, wala pang desi-otso. Paano niya haharapin ang mga parating na araw na wala na ang Lola nila? Kaya ba niyang pangalagaan ang mga kapatid?

Mas sumidhi ang naramdamang takot ni Marilag. Hindi na niya napigilan ang mga luha. Humigpit ang hawak ni Marikit sa kamay niya. Agad na pinunasan niya ng malayang kamay ang luha. Hindi siya maaring maging mahina sa harap nito.

Sige, `tulog ka na uli, sabi ni Marilag sa kapatid bago siya bumangon. Hindi niya kayang bumalik sa pagtulog. Malayo na siyang mapanatag pa. Ang puso niya, hindi na nawala ang ibang pintig. Magpapahangin lang ako.

Bumangon si Marilag at walang tunog ang mga hakbang na lumabas ng kuwarto. Naramdamam niya ang pagsunod ng mga mata ni Marikit. Hindi iyon ang unang beses na lumabas siya, na ‘magpapahangin’ lang ang sinasabi niyang dahilan. Alam na ng kapatid na wala siyang katahimikan kaya gusto niyang sumagap ng hangin.

Sa labas, hinayaan ni Marilag na tumulo ang mga luha. Sinadya niyang tumalikod sa kubo para walang makaalam ng pag-iyak niya.

Ilang minuto pa, naramdaman niya ang paglapit ni Lola Citas.

Mara, apo?

Lumingon agad si Marilag. At nang magtama ang mga mata nila, hindi niya napigilan ang mas pagtaas ng emosyon. Agad siyang tumayo at sinalubong ng yakap ang matandang kahulugan ng proteksiyon at kaligtasan sa kanilang magkakapatid.

Lola Citas... umiiyak na nasabi niya. Natatakot ako. Natatakot ako, Lola. Ang panaginip ko. Ang sama po. Ang sama-sama...

Shhh. Shhh, ang tanging reaksiyon nito bago niya naramdaman ang hagod sa kanyang likod. Ang haplos na pamilyar na pamilyar siya. Ang haplos para ipanatag ang loob niya. Wala pa man siyang sinasabi, ramdam ni Marilag na naiintindihan na siya ni Lola Citas. Ang nakatakdang mangyari ay mangyayari, hija. Makita mo man o hindi, walang kahit akong makakapagbago sa mga mangyayari sa hinaharap. 

Lola, tumakas na po tayo. May paraan. May paraan pa. May magagawa po tayo—

Mara, makinig ka, putol nito. Hindi ako ang kailangan mong pangalagaan. Matanda na ako. Nararamdaman ko nang malapit nang matapos ang oras ko sa mundong ito. Kailan, saan o sa anumang paraan, tanggap ko na. Hindi tama ang pagtakas, lalo ang pagsalungat sa nakatakda na. Hindi sapat ang lakas ng tao para labanan ang hindi nakikitang puwersa. Ang dapat mong gawin ay gawan ng paraan ang mga bagay na may kontrol ka. Hindi mo mapipigilan ang pagkawala ko pero magagawa mong protektahan ang mga kapatid mo, hija.

Lola... mas napaiyak si Marilag. Mas ramdam niya ngayon na hindi lang siya ang may pangitain. Alam rin ni Lola Citas ang mangyayari sa mga susunod na araw.

Mag-usap tayo, ang sinabi nito. Kailangan mong makinig nang mabuti sa akin, Mara. Dumistansiya ito, hinawakan siya sa mga balikat at tinitigan sa mga mata. Pagkatapos ng gabing kinatatakutan ko, mas marami pang panganib ang parating. Hindi mo matatakasan ang karahasan pero ipinapangako kong sa hinaharap ay muli kayong mabubuo. Ang kailangan mong gawin ay sundin lahat ng utos ko.

Opo. Opo, Lola...

Makinig kang mabuti, apo...

Ate! Ate Dream! masiglang boses ang narinig niya bago ang mahigpit na yakap galing sa likuran. Naputol ang mga alaala. Naging malinaw sa paningin ni Marilag ang view ng dagat na nasa harapan niya.

Nakatitig pala siya sa sumisikat na araw, inaalala ang mga nangyari sa nakaraan na nagdala sa kanila sa bagong lugar. Umaasa siyang dadalhin din silang magkakapatid ng umagang iyon sa isang ligtas na bagong araw.

ANG ganda ng tunog ng tawa ni Abby. Pagkayakap ng kapatid sa kanya kanina, ibinaba ni Marilag ang sarili para hayaan ang bunso nila na maglambing. Ah, hindi na nga pala siya si Marilag. Sa bagong lugar, gaya ng bunso nila, dala na rin niya ang bagong pangalan—Dream.

Ang aga mong nagising, Ate Dream? si Abby na naka-piggyback sa kanya. Ang higpit ng yakap nito sa leeg niya. Gusto ni Dream ang ganoong umaga. Na nararamdaman niya ang init ng yakap ni Abby—patunay na naroon ito at kasama niya. Patunay na nagtagumpay siyang iligtas ang mga kapatid sa panganib na muntik na silang lamunin lahat.

Isa lang ang hindi niya nasagip—si Lola Citas na tinupok ng apoy.

Gusto kong panoorin ang araw, sagot niya kay Abby. Naglalakad na siya sa dalampasigan sa marahang mga hakbang. Ang ganda, `di ba?

Wala namang iba, ang sinabi ni Abby. Lugar lang naman ang naiba, Ate—

Ate Mara! boses ni Marikit—ni Xien.

Tumigil siya sa paghakbang at nilingon ito. Maya!

Nakangiting kumaway ito at tumakbo na palapit sa kanila. Ginulo agad ni Xien ang buhok ni Abby pagdating sa tabi niya.

Xien, Dream at Abby na, paalala niya. Nasa ibang bayan man tayo, mabilis lang ang balita.

Tumango si Xien. May almusal na. Dito ba muna tayo?

Panoorin muna natin ang araw.

Wala naman nga na bago, Ate Dream! si Abby na inayos ang mga brasong nakayakap sa kanya. Araw pa rin. Sisilip, tataas, bababa—`yon pa rin naman. Ano’ng naiba?

Napangiti si Dream. Gusto niya rin ang mga ganoong pagkakataon na bumubulong-bulong si Abby na parang sarili na lang ang kausap.

Sa dalawang kapatid, si Abby na pinakabata sa kanila ang hindi na nagkakamali sa mga pangalan. Simula nang gabing ipinaliwanag niya sa dalawa ang plano ni Lola Citas, naging Dream at Xien na agad sila para sa kapatid. Kung si Xien ay hindi naging madali ang baguhin ang tawag sa kanya, ang bunso nila, agad agad na nakapag-adjust. Gusto rin nito ang bagong pangalan. Tunog taga-siyudad daw.

Maganda ang bagong umaga, Abby, mahinang sabi ni Dream. `Pag sumikat ang araw at nakita pa natin, dapat na ipagpasalamat `yon sa Diyos. Kasi natapos ang dilim at walang nangyaring masama. Ligtas tayong nagising. Ligtas tayong umabot sa bagong araw.

Tama si Ate, `By.

Nami-miss ko na naman si Lola Citas...

Hindi na mawawala, bunso. Mami-miss natin siya. Lagi.

Nabawasan ngayon, ang sinabi agad ni Abby. `Yong mga sinasabi mo kasi, parang si Lola Citas. Ang bilis mong tumanda, Ate?

Natawa si Dream Ikaw talaga!

Ginulo ni Xien ang buhok ng bunso nila.

Magtatagal ba tayo rito? si Abby uli, kung si Xien o siya ang tinatanong, hindi alam ni Dream. Hindi lang din siguro alam ni Abby kung sino sa kanila ang may sagot.

Hindi siya agad sumagot, tumingin kay Xien na sumasabay sa mga hakbang niya. Napatitig siya sa bagong ‘anyo’ nito—maikli ang buhok na nagulo pa ng hangin, maluwang ang lumang T-shirt at maluwang rin ang shorts na panlalaki. Ganoon rin ang suot niya at ni Abby. At pare-pareho silang maikli na ang buhok. Siya ang gumupit sa buhok ni Xien. Si Xien ang gumupit sa buhok niya at silang dalawa ang gumupit sa buhok ni Abby. Si Abby ang may pinakamatinong gupit sa kanilang tatlo.

Baka hindi rin, si Xien ang sumagot sa tanong ni Abby. Kung maging tahimik ang mga susunod na araw, mas mabuti.

`Wag mo nang isipin muna ang pag-alis, Abby. Sabi niya naman sa kapatid. Ang gusto kong gawin mo, lagi mong abangan ang paghihiwalay ng dilim at liwanag.

Bakit, Ate?

Kasi patunay iyon ng bagong simula at bagong pag-asa. Sabi ni Lola Citas sa atin, naalala mo? Marami man daw na gabi ang dumaan, hanggang sumisikat ang araw, `wag tayong mapagod maniwala na darating ang bagong umaga na pangarap natin.

Umagang ligtas tayo, mahinang-mahina lang na sabi ni Xien. Hindi alam ni Dream kung narinig ni Abby. Tahimik na ang bunso nila, may ibang nakaagaw na yata ng atensiyon.

Ang daming bangka! ang sinabi nito sabay turo sa dagat. Agad na lumipat ang tingin nila ni Xien. Nagkatinginan sila ng kapatid. Hindi na niya kailangang magsalita. Nauna na si Xien na umalis sa dalampasigan.

Almusal na tayo, Abby, si Dream sa kapatid, binilisan niya ang mga hakbang palayo sa dagat—hindi pala, sa mga taong maaring makilala sila.

Sa sarili, alam niyang hindi iyon ang magiging huling araw ng pag-iwas at pagtakas. Marami pa ang susunod.

At kailangan nilang malampasan lahat.

CHAPTER 2

NASA balkonahe si Dream. Lampas alas nuebe na ng gabi. Pinili niyang magpahangin muna sa labas.

Mailap ang antok. Hindi rin payapa ang puso niya. Dalawa sa mga bilin ni Lola Citas, nasunod niya—naging ‘ibang tao’ na sila at nasa isang ligtas na bahay.

Isa sa mga natulungan ni Lola Citas ang may ari ng bahay na iyon. Si Bellardo Pablo, senior citizen na iniwan na ang lumang bahay sa baryo. Nasa siyudad na ang matanda, nakatira sa bahay ng panganay na anak. Si Lolo Lardo, isa sa mga taong hindi naniwala sa paratang kay Lola Citas. Ipinaubaya nito sa kanila ang bahay sa kabilang bayan. Hindi nga lang sila maaring magtagal roon. Alam ng mga naghahanap sa kanila na isa si Lolo Lardo sa mga taong magtatago sa kanila.

Ang bilin kay Dream ni Lola Citas, dalawang linggo hanggang isang buwan ang pinakamatagal na dapat silang manatili sa lugar. Pagkatapos ng isang buwan may panganib o wala, kailangan nilang umalis at lumipat.

Natapos na ang isang linggo. Mabilis na lang na matatapos ang mga susunod pa. Kailangan na niyang kumilos. Dalawang pangalan ang nasa listahan. Mga taong makakatulong sa kanila ayon kay Lola Citas. Wala mang kasiguraduhan na ligtas ang lugar, hindi rin naman sila basta basta makakalayo. Tawid-dagat lang ang pinakamalayo nilang maabot na pagtakas.

Lola Citas... sa isip ni Dream at huminga nang malalim.

Sumandal siya sa haligi ng kubo at pumikit. Hindi niya man alam ang mga susunod na mangyayari, ibibigay niya lahat maging ang buhay para iligtas ang mga kapatid. Siya muna ang unang mamamatay bago niya hayaan ang sinuman na makalapit kina Xien at Abby.

Naramdaman ni Dream na bumukas ang pinto ng lumang bahay. Pinili niyang hindi magmulat ng mga mata. Alam niyang si Xien ang lumabas. Si Abby ang laging nauunang makatulog sa kanila. Ang bunso rin kasi nila ang mas panatag. Tiwalang-tiwala ito na hanggang nasa paligid silang dalawa, walang mangyayaring masama.

Si Xien ang gaya niya, nag-aalala na rin sa mga susunod na mangyayari.

Naramdaman ni Dream ang marahang pag-upo ng kapatid sa tabi niya. Ate Mara?

Saka lang siya nagmulat ng mga mata. Dream, pagtatama niya sa kapatid. Masanay tayo sa pangalan pa lang, na putulin ang koneksiyon sa nakaraan.

Ano’ng...ano’ng sinasabi mo?

Sa mga bago nating pangalan, isa man sa atin ang mahuli, kailangang kalimutan natin ang pagiging magkakapatid. Ikaw si Xien, si Abby ay si Abby, at ako si Dream. Kung dumating ang kamalasan at mahuli ang isa sa atin ng kaaway, walang magtuturo sa mga kapatid na ligtas. Mas sumandal siya sa haligi. `Wag mo na akong tawaging Ate.

Tinatakpan pa lang ng abuhing ulap ang papawalang buwan nang gabing iyon. Sa liwanag ng buwan na pawala na, nakita niya ang pagtango ni Xien. Ituturo ko rin kay Abby.

Hindi ka pa matutulog?

Iniisip ko kung hanggang kailan tayo nandito?

Isang buwan lang, sagot ni Dream. Lilipat tayo pagkatapos, `yon ang utos ni Lola Citas.

Saan na tayo pupunta?

Hindi ko pa alam, sabi ni Dream. May dalawang tao akong lalapitan. Utos pa rin ni Lola.

Sino?

Si Magno at Evenia.

Hindi ko sila kilala...

Si Evenia lang ang kilala ko, ina-inahan ni Nirvina. Kilala mo si Nirvina?

Tumango si Xien. Hindi niya totoong nanay si Evenia?

Hindi niya anak, `yon ang sabi ni Lola Citas. Wala naman akong alam sa kuwento nila. Ang alam lang ni Dream, si Lola Citas ang takbuhan ni Evenia. Si Nirvina, mas naisip niyang kapatid nito kaysa anak noong una niyang nakita. Mga sampung taon o mahigit siguro ang tanda sa kanya ni Nirvina. Sakitin yata ito kaya laging dinadala kay Lola Citas noon.

Mahabang katahimikan.

Ang hirap matulog `pag ganito, si Xien ang bumasag sa katahimikan. Mas gusto ko na lang laging gising kaysa magising bigla na kailangan na naman nating tumakas... Narinig niya ang paghinga nito nang malalim. Ano bang kasalanan natin sa kanila? Ba’t tayo ginaganito?

Wala tayong kasalanan, agad sagot ni Dream. Si Lola Citas, wala rin siyang kasalanan. Malulupit at mapanghusga lang ang mga tao, Xien. Naniwala sila sa maling bintang.

Hindi na sumagot si Xien. Naramdaman na lang ni Dream na umiiyak na ang kapatid. Pigil na pigil nito ang paghikbi pero narinig pa rin niya. Sabay lang nang pagtatakip ng mga ulap sa buwan, tinakpan din ng bigat ang gaan ng puso niya. Ano’ng mangyayari sa atin?

Inabot ni Dream si Xien at niyakap. Ligtas kayo ni Abby hanggang nandito ako.

Mga hikbi lang ang narinig niyang sagot ni Xien. Yumakap ang kapatid sa kanya at itinuloy ang pag-iyak. Gaya ni Dream, iniiwasan rin ni Xien na makita ito ni Abby na umiiyak. Ramdam niya na naipon na ang pilit pinagtatakpang bigat sa dibdib ng kapatid.

Madilim naman ang gabi. Hindi makikita ni Xien ang mga luha niya. Hinagod ni Dream ang likod ng kapatid habang tumutulo na rin ang mga luha. Sa kanilang tatlo, siya dapat ang maging matapang at pinakamatatag. Sa kanya sasandal ang mga kapatid. Sa kanya kukuha ng lakas. Pinipilit niya pero may mga pagkakataon talaga na bumibigay na rin ang tatag at tapang niya.

Kaya natin ‘to, Xien.

BAGO natapos ang isang buwan, dumating sa lumang bahay si Lolo Lardo. Naabutan sila ng matanda na magsasalo sa simpleng almusal—nilagang saging saba at gatas.

Nitong nakaraang linggo, nabuhay silang magkapatid gamit ang perang iniwan sa kanya ni Lola Citas. Sapat ang perang hawak ni Dream para maitawid niya ang ilang buwan pa.

Ang plano niya, kung makakahanap sila ng lugar na magiging payapa ang kanyang pakiramdam, iiwan ni Dream ang mga kapatid sa bahay. Magtatrabaho siya para kumita. Susuportahan niya ang kailangan ng mga ito na hindi nagagalaw ang mga gintong pamana ni Lola Citas.

Pero hindi naging panatag ang pakiramdam ni Dream sa lumang bahay, kaya hindi niya iniwan ang mga kapatid. Nasa kabilang bayan lang kasi ang baryo na iyon. Madaling matutunton ng mga naghahanap sa kanila.

Nagbago man ang ‘pagkatao’ nila, hindi ang mukha kaya madali silang makikilala ng mga taong naghahanap. Hindi matatakpan ng maiikling buhok, ng maluluwang na T-shirt at shorts ang mga mukha nila, kaya delikado ang paglabas-labas. Salamat kay Lolo Lardo na nagbitbit ng groceries, hindi na niya kailangang magpunta sa bayan na parang nagmamadaling rebelde.

Salamat sa pagdalaw, Lolo Lardo, si Dream sa matanda. Tuloy po kayo para makapag-almusal.

Salamat, hija, sabi nito. Pero hindi rin ako magtatagal. Dumalaw lang talaga ako para matiyak na maayos kayo rito.

Wala naman po na masamang nangyari mula nang dumating kami rito, Lolo.

Mabuti kung ganoon.

Pero hindi rin po kami magtatagal. Bilin po ni Lola Citas.

Naiintindihan ko, sabi ni Lolo Lardo. Lumabas na ang mga kapatid niyang galing sa kusina. Nagtaka na sa tagal niyang bumalik. Narinig rin ng mga ito ang tunog ng dumating na sasakyan pero sinabihan niyang huwag lumabas hangga’t hindi niya nakikita kung sino ang dumating.

Sumunod sa kanya ang dalawa, ibig sabihin, nasilip na ng mga ito kung sino ang dumating na bisita.

Lolo, almusal tayo! si Xien sa matanda, lumapit at nagmano. Sumunod si Abby na halatang ginaya lang ang ginawa ng kapatid.

Ngumiti si Lolo Lardo at hinaplos ang buhok ni Abby at Xien. Bumalik na kayo sa kusina at tapusin ang almusal, sabi nito sa dalawa. Mag-usap muna tayo, Mara.

Tumango agad si Dream. Tumingin naman sa kanya si Xien bago inakbayan si Abby at iginiya na uli sa kusina. Naiwan sila ni Lolo Lardo sa sala. Kumilos ang matanda, naglakad palabas sa balkonahe. Tahimik na sumunod si Dream.

Naiintindihan ko ang Lola n’yo, ang sinabi nito sa mahinang boses. Kung ako man, hindi ako matatahimik na nasa kabilang bayan lang kayo. Hindi ligtas.

Aalis po kami bago matapos ang isang buwan.

Nagbigay ng note si Lolo Lardo. Itago mo, ang sinabi nito sa kanya. Kung wala kayong mapuntahan na mas malayong lugar, ligtas diyan. Ang lumang bahay ng tiya at tiyo ko, wala nang nakatira. Magagamit n’yo. Doon, maari kayong magtagal. Ligtas ang lugar, protektado ng mga tanod.

Kinuha ni Dream ang note at nagpasalamat. Salamat kay Lolo Lardo, may iba pa silang mapupuntahan kapag wala silang nakuhang tulong sa mga taong nasa listahan ni Lola Citas.

Nagpaalam na si Lolo Lardo. Inihatid ni Dream ang mabait na matanda hanggang makasakay sa jeep na gamit nito. Bumalik agad siya sa bahay hindi pa naman nakakalayo ang jeep. Isinara ni Dream ang pinto, tumuloy siya sa kusina para tapusin ang almusal.

Naabutan ni Dream na nagtatawanan ang mga kapatid. Ilang segundong napatitig siya sa dalawa. Sa isip, nahiling niyang sana ganoon na lang lagi. Na nagagawa nilang tumawa sa bawat pagsasalo sa mesa, na walang inaalalang panganib na posibleng dumating anumang oras.

Umupo si Dream sa iniwan niyang silya, binalikan ang hindi pa nauubos na saging. Kinalimutan muna niya ang mga alalahanin. Gusto muna niyang panoorin ang mga kapatid at hayaan ang sariling mangarap na sana ay ganoon pa rin ang mga susunod na araw sa buhay nila.

Nang mga sumunod na sandali, nakikipagtawanan na siya kina Xien at Abby.

TRAYDOR siya, Xien, mariing bulong ni Dream kay Xien. Nagmamadali silang ilabas ang mga gamit na handa na talaga sa mga mabilisang pagtakas. Tig-iisa lang silang backpack—ang mga naihanda na nilang gamit sa utos ni Lola Citas noon—ang sukbit nilang tatlo sa pagtakas.

Ang sakit sakit isipin na habang tinutupok ng apoy si Lola Citas sa plaza, silang tatlo ay sinusuong ang daan palabas ng gubat—daan na turo din ni Lola Citas. Sa dulo ng daan na iyon ay entrada na ng kabilang bayan. Isang oras pang lakaran, narating na nila ang lumang bahay ni Lolo Lardo.

Hindi alam ni Dream kung hinayaan na silang mabuhay ng grupong pumatay kay Lola Citas o talagang hindi naisip ng mga ito na naroon lang sila. Wala silang kapitbahay sa lumang bahay at ingat na ingat ang paglabas niya sa bayan, iyon siguro ang dahilan kaya ligtas pa sila.

Pero sa mga susunod na araw, inaasahan na ni Dream na posibleng may makakita sa kanila. Alam niyang hindi habangbuhay ang kaligtasan. Alam rin iyon ni Lola Citas kaya mahigpit ang bilin na sundin niya ang lahat ng utos nito.

Si Magno? bulong na balik ni Xien. Ano’ng ginawa? At pa’no mo nalaman?

Hindi siya dumating sa napag-usapang lugar, sabi niya sa kapatid. Dalawang pamilyar na mukha ang nakita ko, kabaryo natin. Ano’ng ginagawa nila sa lugar na iyon kung hindi itinuro ni Magno? Ang hayop na `yon! Kinuha lang niya ang ginto. `Bilis. Gisingin mo na si Abby, Xien. Umalis na tayo! Si Dream na ang nagsukbit sa backpack ng bunso nila.

Enjoying the preview?
Page 1 of 1