Discover millions of ebooks, audiobooks, and so much more with a free trial

Only $11.99/month after trial. Cancel anytime.

Walong Diwata ng Pagkahulog
Walong Diwata ng Pagkahulog
Walong Diwata ng Pagkahulog
Ebook283 pages4 hours

Walong Diwata ng Pagkahulog

Rating: 4 out of 5 stars

4/5

()

Read preview

About this ebook

“Binubuksan ng nobelang ito ang panibagong yugto sa pagsusulat ng nobela. Malayo na ito sa tradisyon ng mga romantisista at modernista, na laging mabigat sa dibdib ang paglalahad ng naratibo. Sa akdang ito wala nang imposible sa materyal at maging sa pamamaraan ng paglalahad nito. Tinatangka nitong lampasan ang wika ng isipang malay, at wala o hindi nangyari. Ikinakatuwa ko ang mga akdang tulad nito na nangangahas magpakilala ng pagbabago sa paglalahad ng naratibo.”

— Jun Cruz Reyes

LanguageTagalog
Release dateNov 19, 2017
ISBN9789712729041
Walong Diwata ng Pagkahulog

Related to Walong Diwata ng Pagkahulog

Related ebooks

Reviews for Walong Diwata ng Pagkahulog

Rating: 4.222222222222222 out of 5 stars
4/5

9 ratings0 reviews

What did you think?

Tap to rate

Review must be at least 10 words

    Book preview

    Walong Diwata ng Pagkahulog - Edgar Calabia Samar

    Walong Diwata ng Pagkahulog

    ni Edgar Calabia Samar

    Karapatang-ari © ni EDGAR CALABIA SAMAR, 2009, 2014

    Reserbado ang lahat ng karapatan.

    Hindi maaaring kopyahin o gamitin ang anumang

    bahagi ng akdang ito sa anumang paraan

    nang walang pahintulot mula sa awtor at tagalathala.

    Inilathala at ipinamamahagi ng

    ANVIL PUBLISHING INC.

    7th Floor, Quad Alpha Centrum

    125 Pioneer Street, Mandaluyong City

    1550 Philippines

    Sales & Marketing: (632) 4774752, 4774755 to 57

    Fax: (632) 7471622

    marketing@anvilpublishing.com

    www.anvilpublishing.com

    Artwork sa pabalat ni Jason Moss (Mortality)

    Disenyo ng aklat ni Ani V. Habúlan

    ISBN 9789712729041 (e-book)

    Version 1.0.1

    Nilalaman

    ILANG SAGLIT

    1 Delka Linar

    2 Atisan

    3 Daniel

    SABI NILA

    4 Orange

    5 Tiyanak

    6 Nuno

    7 Demonyo

    8 Orange

    9 Banahaw

    10 Langit-Lupa

    PINALAKI TAYO

    11 Arcangel

    MASKARA, HINDI

    12 Erik

    MATAGAL, BAGO

    13 Glen

    AYON SA ALAMAT

    14 Jomar

    PAHINANG PAHINGA

    GUSTO KONG ULITIN

    15 Ayel

    16 Karl Kabute

    17 Teresa

    18 Sirena

    19 Teresa

    MAS NAGKAKASALA

    20 Orange

    21 Nuno

    PARANG PUSA

    22 Teresa

    23 Tito Tony

    BAHANG DUMATING

    24 Atisan

    PAGLAPAG NG EROPLANO

    SABI NG ISANG PILOSOPO

    25 Multo

    26 Olivia

    27 Michael

    ARAW NG MGA PUSO

    "Walang di nagagantihan

    maliban sa hangin lamang."

    – kasabihang Tagalog

    "The world is comic to those who think,

    and tragic to those who feel."

    – Horace Walpole

    And is a novel anything but a trap set for a hero?

    – Milan Kundera, Life Is Elsewhere

    ILANG SAGLIT bago siya itinulak ng binatilyo sa bangin, naalala ni Daniel noong limang taong gulang siya at iniligaw ng tiyanak sa unang pagkakataon: nakasiksik siya sa pagitan ng mga nakausling ugat ng kalamyas, nanlalagkit sa pawis ang leeg, at nangangako sa sariling hindi na talaga siya makikipaglaro basta’t lumubog na ang araw. Maghahatinggabi na nang matagpuan siya ng Tito Tony niya, nakasiksik pa rin siya sa pagitan ng mga ugat ng kalamyas, naglibag na ang pawis sa leeg, at nakamulagat sa dilim. Maghahatinggabi na rin siguro, naisip ni Daniel kasabay ng pagpuwersa ng mga kamay at braso ng binatilyo sa tagiliran niya upang itulak siya sa bangin. Susubukan sana niyang lumaban pero nawalan na siya ng balanse. Nang matiyak niyang mahuhulog siya, saka nakaramdam ng panghihinayang si Daniel. Kumbakit ngayon pa siya mamamatay kung kailan mayroon na siyang totoong kuwento.

    To:

    From:

    Subject: Atisan, et. al.

    Atisan Boy! Kamusta? Friendster never fails to surprise me ha ha ha. Kilala pa kita, siyempre. How can I forget our storyteller? It was good to finally hear from you. I wrote you letters, pare. Akala ko tinatamad ka lang sumulat. Kami ni Erik, nagsusulatan pa. He just emailed me the other day. Kinukuwento ka niyang madalas. Pero hindi niya binabanggit ang Atisan. Minsan lang.

    Bro, I miss Atisan. Kahit hindi naman talaga ako tagaroon. Siguro, I just miss your stories of Atisan. Would you believe pare that I saw this monograph on Atisan? I couldn’t believe it myself. Pero I found it while I was researching on it for one of my college papers here years ago. Ganun ako ka-loyal sa ’yo noon. Dito pa talaga sa Canada. You should read it. I mean, the monograph, not my paper ha ha. I sent you a copy pero mukhang di mo rin natanggap. God, ang tagal na pala nun. But Erik got a copy. I was thinking na pinakita n’ya sa ’yo.

    Kumusta ba kayo ni Erik? Minsan, he would send me weird emails. Alam mo naman ’yun, tahimik lang, laging pa-mysterious ha ha ha. He would tell me na ang alam n’yo nina Michael, he already died. Na ibinurol pa siya. Na inilibing n’yo pa siya. Nagugulat daw siya kung bakit hindi n’yo na siya nakikita. Kapag umuuwi ka raw sa Atisan, nag-iinuman kayong tatlo pero nag-uusap kayo ni Michael na parang kayo lang dalawa ang andun. Hindi n’yo raw siya tinitingnan man lang. Jesus, kinikilabutan ako sa mga kuwento nun. Sabi ko sa kaniya, pag bumalik pa ako d’yan, ako’ng papatay sa kaniya pag di n’ya tinigilan ang pananakot.

    Pero mukhang malabo na. I already got my job here. At magastos umuwi pare. Ikaw, balita ko, di ka pa rin nakakatapos. Mukhang may phobia ka na yata sa graduation a he he he. At lumalaki na rin si Dustin. Alam mo na ba, may junior na ako. But Marissa and I were never married. Hindi mo rin nga pala kilala si Marissa. We’re just living together. Dustin’s turning three na next month. Siguro someday, iuuwi ko siya. Dadalhin ko siguro siya sa Atisan. Inglisero, pare.

    Alam mo ba, when I sent Erik the manuscript I was telling you about, sabi niya, its contents were just made up. Damang-dama ko sa email na galit siya. Sabi ko hindi niya naman kailangang seryosohin ’yun. I mean, ni hindi ko nga kilala ‘yung nagsulat nun. But there was a byline, I just forgot the name. Babae, pare. Alam mo ba kung bakit galit na galit si Erik, kasi nga, and this was the only time he mentioned the place in all the emails he sent, kasi nga wala naman daw talagang Atisan. Would you believe he said that? And he meant it literally. Walang Atisan.

    Pare, ano ba’ng nangyayari kay Erik? I’m glad you wrote, that you finally found me. Laging nalilimutang ibigay sa akin ni Erik ang email mo, e. O sinasadya na ’ata nun. Nawalan talaga ako ng connection sa iyo. I was sending you mails, kahit cards pag Pasko, pero di nga ’ata nakakarating. Baka may mali sa address na binigay mo sa ’kin. Minsan, I was thinking, putsa, baka wala talagang Atisan, a. Pero minsan lang ’yun, paano naman, it’s weird. I mean, bakit di nakakarating ’yung mails ko sa ’yo. Pero siyempre, nawawala rin ’yun agad, I mean yung doubt, kasi nga I’ve been there. Nakita ko ang Atisan. Pero sa mapa ng San Pablo, I searched for it talaga sa Net ha, minsan, at walang Atisan, alam mo ba? Pero maliit lang kasi ’yung map, siyempre, ’yung bigger barrios lang ang makikita dun. It can’t possibly name all the 80 plus barrios in San Pablo, right? Ganun, kaya baka wala ang Atisan.

    Pero minsan, natatakot ako, paano kung wala talagang Atisan? And it was just part of your stories? It was just in your imagination? Pero nakakatakot i-pursue ang ganung line of thinking pare, kasi baka bumalik sa akin. I mean, baka pati ako pala e part lang ng imagination mo. God, mababaliw ako nun. I mean, even my fingers that now type these letters are just doing their part to feed your fantasy. O, Atisan boy, puwede na rin akong storyteller, di ba? Ha ha ha.

    But seriously, pare, kailan ka pa ba huling umuwi sa Atisan? Naroon pa ba talaga ’yun? O, wag mo akong pag-isipan ng masama, ha. I meant that figuratively. Another way of thinking about it pare, maaari namang hindi iisa lang ang Atisan di ba? I mean, malawak ang mundo. There could possibly be a lot of other Atisans. Baka nga sa Pilipinas lang, meron din. Sino ba kasing isang tao ang nakatuntong na sa buong Pilipinas. At posible ba kasi ’yun. Basta ganun.

    Pero hindi ibig sabihin, hindi na espesyal ’yung Atisan mo. Natin. Of course, it’s special. But only for us. Sa ’yo, kay Michael, kay Erik. Sa lola at tito mo. Sa Papa mo. Kay Orange. Teka, nagkatuluyan ba kayo, pare? Wala ring binabanggit dun si Erik e. Pero nakuha mo, nothing is special in itself. Alam mo naman ’yun siyempre. Someone, some people make us special. We are never special just by being who we are. Naks, philosophical pare. I mean, o halimbawa, si Dustin, special siya sa ’kin, at kay Marissa, pero hindi siya special sa lahat ng makakasalubong niya sa daan, o sa lahat ng batang makakalaro niya, di ba. Sasabihin, uy, ang cute ng bata. Pero hanggang doon lang. Kahit sa lahat ng makikilala niya habang lumalaki siya. Why am I saying this. Alam ko naman na alam mo’ng ibig kong sabihin.

    I think, humahaba na ang email na ito. Just want you to know that I’m glad you wrote. But I have this weird feeling that the road somehow ends here. Kaya nilulubos ko na. I mean, even friendships should end somewhere, di ba? You were my friend, well, you still are. But I just remember you, the idea of you, your name, us singing the Beatles song, the humming, I can even see our feet walking, I still carry the faint smell of our mornings in Banahaw, but I’m sorry, pare, I can’t remember your face. I’d probably recognize you when I see you. You don’t even have your picture in your Friendster profile to remind me of how you look. It would have been great seeing you again, kahit sa pic.

    I call this the Atisan syndrome. Images fading. Slowly. Exhaustively. Until I totally forget that I even had memory of those images. Ikaw, would you recognize me kaya when we see each other? Weird, ano? Ilang taon na ba, five? Six? The things we forget in less than a decade. We had better capacities for keeping memories when we were younger, ano? But we are young. Blame this Atisan syndrome. When you leave someplace, you continue living as if the place you left does not exist anymore, but was there, in your past. As if it ceased to exist the moment you left. Pampawala ng guilt.

    Alam mo, I realized, may espiritu rin ang mga lugar. Di ba, kapag may nakikita tayong maganda sa paligid, o magandang lugar, for instance, that view in Banahaw when we were on top of it, di ba, we say, buhay na buhay ‘yung lugar. Buhay na buhay. Kaya it’s possible then that places also die. Alam natin ito, I mean, literally. History had lost so many civilizations in the past. If there really was Atisan, can it be possible that now it’s dead? That Atisan is no longer.

    Pare, don’t mind me if this sounds weird to you. Alam mo naman, when you’re miles away from home, you’re always confronted with existential questions. Who am I? Ha ha ha. What is my purpose in life? And then, in the end, we all surrender.

    The day I first read your message, you see, I don’t regularly open my Friendster, I was reading a book on love. On love, pare ha ha. That’s why it took me sometime before I finally decided to write this letter. Yes, I still read books, write occasional poems, get drunk with the songs of Beatles. Kung ngayon tayo nagkakilala rito sa Canada, I believe we’ll still have reasons to be friends. The thought really helped me work on this email. I’d like to think that I still forgot to say something, kahit ito na ‘yung pinakamahabang email na nasulat ko. Pero di ko rin maisip kung ano. Wala na akong maisip. Basta ingat ka na lang, pare.

    Glen

    1. Delka Linar

    NASA GRADE 2 si Daniel nang una siyang makabuo ng kuwento. Iyung kuwento na sa palagay niya noon, kapani-paniwala. Hindi na niya maalala kung kailan talaga niya unang-unang sinabi at kung sinosino ang unang nakarinig. Basta’t nasa grade two siya nang kumalat sa kanilang magkakaklase na may kaibigan siyang duwende. Nakatira rin sa lumang bahay ng Lola Bining niya.

    Noong una, ayaw maniwala ng mga kaklase niya, lalo na iyung matatangkad at matataba na madalas mang-agaw ng baon ng maliliit at payat. Kabilang si Daniel noon sa maliliit at payat. Wala namang duwende, igigiit ng mga ito sa kaniya.

    Pero hindi sila pinakikinggan ni Daniel. Marunong makiramdam si Daniel. Ang totoo, mas matalas ang pakiramdam ni Daniel noong bata pa siya. Nababasa niya sa mga mata ng mga nagsasabing walang duwende na gusto rin naman talagang mapatunayan ng mga ito na may duwende nga.

    Kaya tuloy lang siya sa paglalarawan sa damit ng kaibigan niyang duwende. Makintab na makintab na puti. Ang alam lang kasi niya noon, basta may duwendeng puti at duwendeng itim. Dahil napapanood niya sa Ora Encantada na ’yung duwendeng puti ang mabait, kaya ’yun dapat ang kaibigan niya. Patusok ang pagkaputi-puti ring sombrero na mahabang-mahaba, mas mataas pa kaysa sa duwende mismo. At walang sapin sa paa ang duwende! ito ang binago niya sa mga larawan ng duwende na napapanood niya. Unti-unti, natuklasan niya noon na hindi puwedeng ulitin lang niya ang lahat ng detalye na alam na rin ng mga kaklase niya. Nanonood din kasi siyempre ng TV ang mga ito. Kailangang magdagdag siya ng iba, para maging mas kapanipaniwala. At iyung paang walang sapin, puting-puti talaga. At kapag tumutuntong sa lupa o sa damo, nagiging puti rin ang niyayapakan nito. Bumabalik lang sa dating kulay oras na iangat na ng duwende ang paa para ihakbang.

    Ano ngang pangalan? tanong ni Michael, ’yung kaklase n’ya na laging napapagalitan ni Miss Luciano dahil madalas na hindi purong puti ang t-shirt na pang-ilalim sa school uniform. Kabilang si Michael sa pangkat ng matatangkad, pero hindi ito mataba. Kaya naiinis si Daniel dito noong una. Nasisira kasi kay Michael ang pagpapangkat niya sa mga kaklase sa isip niya.

    Wala, isasagot na lang ni Daniel, habang ang totoo’y nag-iisip siya ng magandang pangalan. Iyung kakaiba dapat. Iyung hindi pa naririnig ng mga kaklase niya. Pero wala talaga siyang maisip.

    E, bakit wala? Paano s’ya tinatawag ng mga kasamahan n’yang d’wende? nakangisi nang tanong nung pinakamalaki, pinakamatangkad at matabang-mataba sa klase nila kaya laging sergeant at arms kahit ito ang madalas na pagmulan ng away. Naisip ni Daniel, mukhang-mukha talagang kontrabida. Ilang taon pa’t patataubin si Max Alvarado.

    Meron, humina nang bahagya ang boses ni Daniel na para bang may lihim na ibubunyag. Pero hindi ko puwedeng sabihin. Lalong sumiksik palapit sa kaniya ang ulo ng mga kaklase. Hindi na siya magpapakita ulit kapag sinabi ko iyon, bulong pa ni Daniel.

    Dahil sa sikretong iyon, lalo siyang araw-araw na dinumog ng mga kaklase. Natuklasan niya na hindi rin dapat sinasabi lahat, pakaunti-kaunti lang, para may binabalikan ang mga nakikinig. Hindi pa niya kilala noon si Scheherazade, pero nabasa na niya sa komiks ang kuwento ni Aladdin. Sa komiks n’ya rin siguro natutuhan ang bisa ng pambibitin sa pagkukuwento. Laging itutuloy, para subaybayan.

    Kahit hindi siya ang pinakamatalino sa klase, o ang pinaka-kyut ayon sa pamantayan ni Miss Luciano, naging bida rin siya noon. Pinakikinggan siya kahit ng matatangkad at matataba. May naiinis din, siyempre. Kaya naging halos bodyguard niya si Michael noon. Tagapagtanggol. Mas naiinis pa ito kapag may hindi makumbinsi sa mga kuwento niya. Noon sila nagsimulang magkalapit. Dahil sa kaniya kaya naging malapit din si Michael kay Erik, na kababata naman niya at kasamang lumaki sa Atisan. Pagdating ng grade 4, iisa na ang section nilang tatlo.

    HINDI NA RIN maalala ni Daniel kung paanong basta na lang nawala ang interes ng mga kaklase niya tungkol sa kaibigan niyang duwende. Kapag recess, nakikita niyang mas masaya nang naghahabulan ang mga ito. Sikyo. Langit-lupa. Saksak-puso. Minsan, nakikisali siya, at sa tuwing libang na libang siya sa pagtakbo para hindi mataya madalas nga’y nakayapak pa sila kaya madalas silang mapagalitan ni Miss Luciano dahil nanlilimahid silang bumabalik sa classroom nalilimot din niya ang tungkol sa kaibigan niyang duwende. Pero paminsan-minsan lang iyon. Mas madalas na mag-isa lang siya, nakaupo sa pinakataas ng bleacher sa soccer field nila, nakatingin sa mga naghahabulan niyang kaklase, habang bumubuo ng kuwento sa isip. Hindi gaya ng babae sa sinaunang kuwento ng mga Arabo, hindi nakataya ang buhay niya rito, kaya siguro hindi rin siya tatagal ng sanlibo’t isang gabi sa pag-iisip ng mga bagong kuwento.

    Isang araw, basta na lang niya naisip na sabihin na sa mga kaklase niya ang pangalan ng kaibigan niya. Wala na siyang maisip na ibang paraan para maengganyo muli ang mga ito na makinig sa kaniya.

    Delka Linar, sabi niya sa ilang lumapit matapos niyang ibalita ang pagtatapat. Nabigla pa siya, dahil hindi niya inasahan na pagkatapos ng lahat, bibitiwan niya iyon nang walang kasere-seremonya. Lunch break noon, at marami sa mga kaklase niya ang umuuwi para sa bahay mananghalian. Kaunti lang ang nakarinig. Kumalat na lang iyon sa klase nang magsipasok na sila sa hapon.

    Pagkadismaya ang nakita niya sa mukha ng mga kaklase. Para bang mayroon silang inasahang pangalan at hindi iyon ang sinabi niya. Ang totoo, pinagbali-baligtad lang niya ang mga letra sa buo niyang pangalan. Karl Daniel. Ang tagal niyang pinag-isipan iyon nang sinundang gabi. Kahit nang bago siya matulog, isinulat pa niya iyon sa notebook niya sa GMRC para masiguradong hindi niya malilimutan kinabukasan.

    Nang mag-uwian sila kinahapunan, halos wala nang bumabanggit kay Delka Linar. Kani-kaniya na muling umpukan ang mga kaklase niya para ipagpatuloy ng mga ito ang pagteteks. O pag-uusap tungkol sa ipapalabas pa lang na episode ng Bioman at Shaider pagdating ng Sabado.

    Noon unang nakadama ng lungkot si Daniel na may kinalaman sa pagkukuwento. Pakiramdam niya, totoong may kaibigan siya na hindi na magpapakita sa kaniya.

    Siyempre, walang kaide-ideya noon si Daniel na totoong may Delka Linar, at darating ang araw na magpapakita ito sa kaniya.

    2. Atisan

    MARAMING MUNDO ANG bawat tao. Gagawin mo iyon kung wala kang makapa. Dadagdagan mo kung kulang, hahanapin kapag nawawala. Kung matagpuan na, pilit iyong tatakasan ng mga duwag at wawaratin naman ng matatapang para makagawa ng iba.

    Nang mabasa iyon ni Daniel sa isang nobela (minarkahan pa niya ng dilaw na Stabilo Boss para maaari niyang balik-balikan) at makaharap nang personal ang nagsulat nito sa isang book launch, noon siya nagsimulang mangarap na magsulat din ng nobela. At gusto niya’y nobela talaga agad, kahit wala pa siyang maikling kuwento na lumabas kahit saan. Iyung mga maikling kuwento na naisulat niya, puro simula. Wala siyang matapos-tapos, pakiramdam niya nga kasi’y nobela talaga dapat ang isinusulat niya. Na hindi magkakasya sa maikling kuwento lang ang mga gusto niyang sabihin.

    Gagawa rin ako ng sarili kong mundo, madalas niyang ipinaaalala sa sarili kahit habang nag-aabang siya ng dyip para pumasok. Nasa kolehiyo na siya noon.

    May mga araw na nakatanga lang siya, naghihintay ng tamang simula kung paano niya masasabi ang mga gusto niyang sabihin. At kahit nga nasa isip pa lang niya talaga, kumbinsido na siyang pangnobela at hindi pang-maikling kuwento lang ang mga iyon. Kahit kailan, hindi naman talaga niya napag-isipan ang ibig niyang sabihin ng pang-nobela. Basta’t may abstraktong ideya siya ng lawak, at tayog, kapag iniisip niya iyon. Parang iyong tanaw kapag nasa itaas ng bundok, nasa gilid ng bangin. Tama, dakila. May mga gabing nakakatulog siya nang nakangiti ang dulo ng mga labi, iniisip siguro na mayayakap niya o mayayakap siya ng kung anuman iyong dakila na iyon.

    Sinimulan niya ang pagbili-bili at pagbabasa ng mga nobela. Nilaktawan na niya ang mga Matandang Dakila, katuwiran niya’y hindi na naman siya magsusulat ng ganoon. Lipas na ang mga iyon. Para sa kaniya, iyong classic, wala na sa panahon, at hindi totoong laging napapanahon. May nagbubuklat pa ba kay Faulkner kung hindi rin lang required sa klase? O kay Dostoevsky? Lalo na siguro sa mga Pinoy. Kina Aguilar at Pineda, halimbawa. Baka nga ni hindi sila kilala. Kahit pa nga ba nagustuhan niya ’yung Ang Ginto sa Makiling ni Pineda nung ipinabasa iyon sa isang klase niya sa Philippine Lit.

    Iba na ang isusulat ko, sabi niya noon sa sarili. Bago. Pero dumami nang dumami ang mga nobelang nabibili niya sa Booksale (madalas), sa National (paminsan-minsan), at sa Powerbooks at Fully Booked (kapag handa siyang magutom at walang ibang pagkakagastusan) libro nina Garcia Marquez, Kundera, Murakami, Rushdie, Fuentes buhay pa lahat. Ayaw n’ya nga kasing makinig sa mga patay na. Hindi naman makahabol ang pagbabasa sa mga ito na isinisingit lang niya sa pagitan ng mga kailangang tapusin sa major subjects niya sa Psychology nung una, noong bago siya lumipat sa Developmental Studies na natagalan lang niya ng isang sem bago siya nag-Communications, hanggang sa maging matapat na nga siya sa sarili at nagpasya na sa wakas na mag-Malikhaing Pagsulat, na hindi rin naman niya matapos-tapos. Tumambak ang mga libro. Tumagal nang tumagal pero wala naman siyang nasulat. Ang alam lang niya, malawak at kakaiba ang isusulat niya. Iyun nga lang, hindi pa niya alam kung ano.

    MINSAN, NAISIP NI Daniel na baka karanasan nga ang kulang sa kaniya. Baka kailangan niyang lumabas, magmasid, makihalubilo sa iba, hanggang madama ang malalim na talab ng larawang sumasalamin sa katotohanan na mapait o marahas man ay may angkin ding kagandahan at kahiwagaan, gaya ng isinulat ng isang Heswita na kalauna’y nagtuon ng pag-aaral sa mga pagguho ng lupa sa mga bundok, paglalamat sa mga fault line, iba’t ibang intensity ng lindol, pagsabog ng mga bulkan at iba pang karahasan ng kalikasan na yumayanig sa isip ng tao. Ang huling balita, administrador na

    Enjoying the preview?
    Page 1 of 1