Rizal: Makata
4.5/5
()
About this ebook
Isang aklat na handog sa ika-150 kaarawan ng pambansang bayani na si Jose Rizal. Ang librong ito ay isang masinsing pagtalakay at pagsusuri sa mga piling tula ni Rizal na makaaambag sa higit na makabuluhang pagtingin kay Rizal bilang isang makata at manunulat.
Related to Rizal
Related ebooks
Diksyunaryong Monolingwal sa Filipino: (Monolingual Dictionary in Filipino) Rating: 4 out of 5 stars4/5Layag: European Classics in Filipino Rating: 4 out of 5 stars4/5Buhay at Mga Ginawâ ni Dr. José Rizal Rating: 5 out of 5 stars5/5Florante at Laura Rating: 3 out of 5 stars3/5Mga Pangunahing Etnolinggwistikong Grupo sa Pilipinas Rating: 3 out of 5 stars3/5Ugaling Pinoy (Unang Aklat) Usaping Propesyunal ng mga Pilipino Rating: 0 out of 5 stars0 ratingsBuntong Hininga Mga Tulang Tagalog Rating: 5 out of 5 stars5/5Noli Me Tangere Rating: 4 out of 5 stars4/5Isa Pang Bayani Rating: 5 out of 5 stars5/5Ikot (Unang libro sa Talaarawan ng Bampira) Rating: 4 out of 5 stars4/5Uyayi Ng Himagsik Rating: 4 out of 5 stars4/5Walong Diwata ng Pagkahulog Rating: 4 out of 5 stars4/5Connect the Dots: O Kung Paano ko Kinulayan ang Aking Buhay Rating: 0 out of 5 stars0 ratingsKartilyang Makabayan Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andrés Bonifacio at sa KKK Rating: 5 out of 5 stars5/5Dimasalang Kalendariong Tagalog (1920) Rating: 1 out of 5 stars1/5Rizal sa Harap ng Bayan Talumpating Binigkas sa Look ng Bagumbayan Rating: 0 out of 5 stars0 ratingsDimasalang Kalendariong Tagalog (1922) Rating: 0 out of 5 stars0 ratingsMga Dakilang Pilipino o ang kaibigan ng mga nagaaral Rating: 4 out of 5 stars4/5Nasawing Pagasa Rating: 4 out of 5 stars4/5Seth Aquilon: Windfall Tagalog Edition Rating: 0 out of 5 stars0 ratingsSi Rizal at ang mga Diwata Zarzuelang Tagalog na may Dalawang Yugto Rating: 0 out of 5 stars0 ratingsDating Pilipinas Rating: 1 out of 5 stars1/5Dominion: Antigo Series, #3 Rating: 0 out of 5 stars0 ratingsCosmo von Werhstahl Rating: 0 out of 5 stars0 ratingsAng Katipunan Rating: 0 out of 5 stars0 ratings¡Caiñgat Cayo! Sa mañga masasamang libro,t, casulatan Rating: 0 out of 5 stars0 ratingsMga Lihim ng Gabi: Pusong Titanium, #1 Rating: 0 out of 5 stars0 ratingsAng Mestisa Ikalawang Bahagi (Second Volume) Rating: 0 out of 5 stars0 ratings
Related categories
Reviews for Rizal
7 ratings0 reviews
Book preview
Rizal - Virgilio S. Almario
Talâ
Binása Mo Ba
si Rizal?
BINÁSA MO BA si Rizal? Malamáng na hindi. Na ang unang ibig kong sabihin, dahil kakaunti na ngayon ang marunong ng Espanyol sa Filipinas, malamáng na hindi mo nabása si Rizal sa orihinal. Kung sakaling nabása mo siya, nabása mo lámang siya sa salin sa Ingles o sa Filipino. O kayâ nabása mo lámang ang ilan sa mga akda niya. Alin kayâ ang nabása mo? Paano mo siya binása?
Ang hulí sa mga tanong ko ang nais kong talakayin. Bago iyon, nais ko ring linawin ang ilang malungkot na katotohanan hinggil sa pagbása kay Rizal ngayon. Una, bakâ isa ka sa hindi pa nakababása kay Rizal. At marami kang kasáma, napakarami, kahit sa lipunang edukado. Kung hindi dahil sa Rizal Law ay bakâ ni hindi na ipababása kahit ang kaniyang mga nobela sa high school. May sospetsa nga ako na sa kabilâ ng naturang sapilitang pagpapabása kay Rizal ay maraming nakarating sa kolehiyo nang hindi nabubuklat ang Noli at Fili. Komiks o mga halaw lámang ang kanilang binása.
Malaki ang kasalanan sa bagay na ito ng mga titser. Silá mismo ay hindi gumagamit ng wastong salin ng mga akda ni Rizal. Ni hindi nilá alam na halaw lámang ang nabása niláng Noli at Fili. Kung nabatid man, wala siláng interes humanap ng higit na mapagtitiwalaang salin at ito ang ipagamit sa kanilang mga estudyante. Umaasa din silá sa kalahatan sa mga teachers’ guide o mga sangguniang may mga tanong at sagot hinggil sa búhay at mga akda ni Rizal. Sa gayon, sa kalahatan, ay mga tagaulit lámang silá ng alam na hinggil kay Rizal. Hindi silá magiging tagaganyak ng mga estudyante sa paghanap ng bagong paraan ng pagbása kay Rizal.
Malaki din ang kasalanan sa bagay na ito ng mga pinunò, mula sa superbisor hanggang sa Kalihim, ng Kagawaran ng Edukasyon. Hindi nilá sinusuri ang kasalukuyang pagtuturo ng Rizal, bukod sa silá mismo ay hindi nagdadagdag ng sarili niláng kaalaman hinggil kay Rizal. Sa gayon, hindi silá maaasahang maglabas ng kahit pasalitâ man lámang na atas upang isúlong ang paraan ng pagtuturo ng Rizal. Kapag sinuri ang kasalukuyang kurikulum sa batayang edukasyon ay lilinaw na ang problema sa pagtuturo ng Rizal ay mahigpit na kaugnay sa mahinàng pagbalangkas at mababaw na nilalaman ng pag-aaral ng wikang Filipino at panitikan sa mababà at mataas na paaralan. Kapag sinuri din ang mga pambansang test hinggil dito ay mahahalatang inaasahan lámang ang mga kabataang magmemorya ng lumang kaalaman at sa gayon ay hindi nagaganyak kapuwa ang mga guro at mag-aaral na tumuklas ng bagong paraan ng pagbása kay Rizal. At walang ginagawang reporma hinggil sa mga nabanggit ang mga pinunò ng pambansang pagtuturo.
O kayâ, iilan sa mga akda niya ang nabása mo. Mahirap naman talagang asahang mababása mo ang lahat ng sinulat niya. Ang dami. Sari-sari pa ang paksa. Kung hindi ka mahilig sa wika, hindi mo babasáhin ang mga pagsusuri niya sa palabaybayang Tagalog at sa katutubong tugma at sukat. Ngunit bakâ wala kang nabása kundi ang kaniyang tulang Sa Aking mga Kabata
(na kontrobersiyal pa dahil mukhang hindi kaniya) o Ultimo Adiós
(na kontrobersiyal din dahil maraming alingawngaw ng ibang makatang Espanyol). Hindi mo siya makikilála sa pamamagitan lámang ng dalawang nabanggit na tula. Kailangan mong basáhin ang iba niyang likhang pampanitikan, bukod sa Noli at Fili, upang mapatunayan ang kaniyang kadakilaan bílang manunulat. Kailangan mong basáhin ang kaniyang mga akdang pampolitika’t pangkasaysayan, gayundin ang ilan niyang liham, upang mádamá mo ang kaniyang bisyon at pangarap para sa Filipinas.
O kayâ, binása mo si Rizal ngunit alinsunod sa isang namayaning pananaw hinggil sa kaniya. Maaaring nabása mo ang talambuhay na sinulat ni Leon Ma. Guerrero o ni Rafael Palma at sumamba ka sa kadakilaan ni Rizal. Ngunit hindi lahat ng nasulat tungkol kay Rizal ay likha ng isang Knight of Rizal o talumpati kung Rizal Day ng mga bolerong politiko (na tulad ni Emilio Aguinaldo ay ni hindi nasilayan ang Noli at Fili). Noong magtatapos ang dekada 60 ay nagkaroon ng mainit na mga diskusyon hinggil sa kabayanihan ni Rizal. Pinasimulan ito ng paglilinaw ni Teodoro A. Agoncillo hinggil sa repormistang plataporma ng Kilusang Propaganda na kinabilangan ni Rizal at ng rebolusyonaryong Katipunan ni Bonifacio. Dahil dito, may nangibabaw na alinlangan sa kabayanihan ni Rizal. Sinundan ito ng mabagsik na sanaysay ni Renato Constantino, ang Veneration Without Understanding
(1969), na tahasang naghanay sa mga palatandaan ng kontra-rebolusyonaryong gawain ni Rizal. Umiral ang ganitong pananaw sa sumunod na mga dekada, lalo na sa hanay ng mga aktibistang estudyante.
Kung tinuligsa din ni Constantino sa Veneration Without Understanding
ang tíla bulág na pagsamba kay Rizal at pagbása sa kaniyang akda nang hindi inuunawa, kabaligtaran naman ang ginagawang pagbása kay Rizal bílang aliwan. Pinupunterya ng ganitong pagbása ang kakatwa, katawa-tawa, at kagila-gilalas sa búhay ni Rizal. Halimbawa, na tsikboy siya. Na kuripot siya. Na pinasusuot niya sa gubat kung gabi bílang pagsubok ang kaniyang mga estudyante sa Dapitan. Kung may wastong pagsasaalang-alang, may layunin ang ganitong pagbása na iwasto ang tinutuligsang Veneration Without Understanding.
Nais ipakítang isang henyo si Rizal ngunit isang tao rin siyang katulad natin. Gayunman, malimit na nauuwi din ito sa pagkalkal at pagpapalaganap ng mga sabi-sabing anekdota na nauuwi din sa bulág na pagsamba dili kayâ’y nakaaambag túngo sa pagmaliit kay Rizal bílang romantiko nga, burges, macho, at di-rebolusyonaryo.
Nakatuon ang pagbása ko ngayon sa pagtula ni Rizal. Bunga ito ng kapansin-pansing kabisote kundi man paimbabaw na pagtangkilik kay Rizal bílang makata. Si Jaime C. de Veyra lámang yata noong 1946 ang nag-ukol ng panahon sa kabuuan ng pagtula ni Rizal. Pagkatapos niya, minemorya na lámang ang Ultimo Adiós
para ipabigkas kapag Disyembre 30 at ang Sa Aking mga Kabatà
para gawing islogan o paksa ng sanaysay kapag Linggo ng Wika sa Agosto. Hindi nabibigyan ng wastong pagpapahalaga hanggang ngayon ang kabuluhan ni Rizal sa kasaysayan ng panulaan sa Filipinas bukod sa hindi nabibigyan ng patibay ang palasak na pahayag na isa siyang dakilang
makata. Isang etiketa ito na karaniwang ikinakabit kay Rizal sa alinmang larangang ginamitan niya ng kaniyang pambihira’t sari-saring talino. Dakilang
siyentista, lingguwista, folklorista, eskultor, inhenyero, agrimensor, at kahit sugarol.
Ibig kong itanghal sa pagbásang ito na isa siyang mahusay na makata.
Bahagi rin ng estratehiya sa pagbásang ito ang pagpupuwesto kay Rizal sa loob ng kasaysayang pampanulaan ng Filipinas. Kontra ito sa pagtuturing kay Rizal na tíla damong ligaw na tinangay ng simoy sa historya ng panulaan sa Filipinas o isang katangi-tanging henyo na biglang sumulpot sa disyerto ng ating kolonyal na panitikan. Nais kong itanghal sa aking pagsusuri ang dalawang kabuluhan ng pagtula ni Rizal. Una, na anak si Rizal ng edukasyong kolonyal at bahagi ang kaniyang pagsulat ng naging palasak na paraan ng pagsulat sa panahon ng kaniyang kabataan. Ngunit napakalaki ng ipinagbago ng kaniyang pagtula nang magpunta sa Espanya. Kayâ, ikalawa, palatandaan din ang kaniyang pagsulat mulang 1882 sa naganap na pagbabago sa panitikan bago matapos ang ika-19 siglo sa Europa at sa Filipinas na humubog sa katangian ng makabagong panitikan ng Filipinas sa ika-20 siglo.
Sa isang pagtinging historikal, nakagugulat ang tagumpay ni Rizal bilang makata sa Espanyol. Tila siya isang biglang bahay-na-bato sa isang napakahabàng sabana ng panulaang pambansa sa wikang Espanyol. Isang sabana na wala ni palatandaan ng búhay sa loob ng nakaraang mahigit 200 taon. Marahil, maaaring ituring na unang pundasyon ang pagtatangka ni Fernando Bagongbanta, Tomas Pinpin, at ibang ladino sa bungad ng ika-17 siglo. Bukod sa unang nalathalang orihinal na tula sa panahon ng kolonyalismong Espanyol, katangi-tangi ang pinagsalit na taludtod sa Tagalog at sa Espanyol ni Bagongbanta:
Salamat nang ualang hanga
gracias se den sempiternas
sa nagpasilang nang tala
al que hizo salir la estrella:
macapagnao nang dilim
que destiere las tinieblas
sa lahat na bayan natin
de toda esta nuestra tierra
Isa ako sa naniniwalang higit na isang tulang Espanyol kaysa Tagalog ang pinagsalit na mga taludtod sa Tagalog at sa Espanyol ni Bagongbanta. [Bagaman may hinala din akong isang alyas lámang siya ng isang misyonero.] Kapag pinaghiwalay ang mga taludtod sa Espanyol at sa Tagalog ay higit na nag-aangkin ng matulain ang mga taludtod sa Espanyol:
gracias se den sempiternas
al que hizo salir la estrella:
que destiere las tinieblas
de toda esta nuestra tierra
Ngunit hindi na iyon nasundan. Pagkatapos ng ilang berso sa pagtuturo ng Espanyol ni Tomas Pinpin, maglalakbay ka sa isang ganap na katahimikan hanggang dumating ang Sampaguitas y poesias varias (1880) ni Pedro Paterno. Maliban kung isisingit mong Filipino si Rodriguez de Varela, si Conde de Manila,
na wala namang maipagmamalaking kahigtan sa kalidad ng taludtod nina Bagongbanta at Pinpin. Nakatutuwa namang sinipi pa sa Noli ni Rizal ang isang taludtod ni Paterno. Ngunit, sa totoo lang, hindi makahihigit sa tulang kabataan ni Rizal ang alinman sa Sampaguitas—isang titulo na wala namang kabuluhan sa koleksiyon maliban sa ipakilálang nagmula ito sa Filipinas.
Sa ganitong pagtingin, si Rizal ang unang ganap at makabuluhang makata ng Filipinas sa Espanyol.
Gayunman, may kaagapay na pagtinging biyograpiko ang aking pagpapahalaga sa pagtula ni Rizal. Hindi ako naniniwala na dapat isiping isinilang na isang mahusay na makata sa Espanyol si Rizal. Manapa, ang talino niya bilang manunulat ay unti-unting namukadkad sa tulong ng kaniyang pormal na edukasyon, pagkalantad sa panitikang-bayan at panitikang popular noong kamusmusan niya, at pinalusog ng kaniyang engkuwentro sa panitikang Europeo, lalo na sa panahon ng kaniyang pananahan sa Europa. Sa pamamagitan ng pagsuri sa kaniyang mga tula, mula sa maituturing na mga tula ng kabataan hanggang sa itinuturing na mga pangwakas na tula niya bago bitayin, nais kong landasin ang mga yugto ng kaniyang kaganapan bilang makata at kaalinsabay ng kaniyang naging búhay. Hindi homologo ang pagbabago sa tula at sa búhay ngunit may masisilip na matalik na mga pagkakaugnay. Ikinalulungkot ko na sa ganitong pagpapahalaga ay marami akong hindi matatanggap na paraan ng pagbása sa kaniyang pagtula. Isang masaklap na halimbawa ang ganitong pahayag:
It was against a background of mental anguish in Brussels, during those sad days when he was worried by family disasters, that he wrote his pathetic poem, A mi…
(To My Muse). This poem lacks the exquisiteness of To the Flowers of Heidelberg
and is less polished than To the Filipino Youth,
but it is passionate in feeling.
Hindi ko matarok kung ano ang ibig sabihin ng komentarista sa paglalarawan sa A mi…
bilang isang pathetic poem.
Sa halip na pathetic,
isa itong mapang-uyam na tula at isa sa paborito ni Pambansang Alagad ng Sining Nick Joaquin. Bahagi na ito ng tugatog ng pagtula ni Rizal at nakapagtatakáng ikompara pa itong mas mababà kaysa A la Juventud filipina
na sinulat ng bayani noong kabataan niya. Ang ganitong iresponsableng komentaryo ay matitiyak na bunga lámang ng pagdudunong-dunungan sa panig ng komentarista. Hindi niya naiintindihan ang kaniyang sinasabi. Bukod pa, lingid sa kaniyang kaalaman ay naitatanghal niyang higit na mahusay si Rizal na makata noong batà pa siya. O marahil, dahil ang tulang tulad lámang ng A la Juventud filipina
ang abot ng kaniyang napag-aralan sa tula? Nakatatákot na maraming ganitong iresponsableng pahayag sa maraming sangguniang aklat hinggil kay Rizal na ipinagbibili ngayon sa mga paaralan, itinuturo ng mga guro na walang ibang nalalaman, at tinatanggap ng mga kabataang magaaral bilang katotohanan.
Kahit sa pagbása ng tula ni Rizal ay hindi puwedeng mga tula lámang din niya ang dapat mong basáhin. Kailangan mo ring balingan ang iba niyang akda, ang mga nobela, at kahit ang kaniyang mga korespondensiya. Kayâ medyo mabusisi ang ganitong pagsusuri sa pagtula. Bahagi ng layunin ko sa aklat na ito na gamitin ang kaniyang mga tula upang maitanghal din ang kaniyang higit na malaking kabuluhan bilang isang manunulat.
Inilakip ko sa dulo ng aklat ang ilang tula ni Rizal at salin ng mga ito. Pinilì ko ang dapat ituring na pinakatangi-tangi niyang mga tula sa bawat yugto ng kaniyang búhay at magpapamalas sa kaniyang tagumpay bilang makata. Ang mga tula ding ito ang sinikap kong basáhin at titigan sa pag-aaral na ito. Ang aking salin ay isang pagsisikap tungo sa muling-paglikha ng pagtula ni Rizal. Bukod sa pagpapanatili sa imahen at retorika, hangga’t maaari, tinangka kong sundan ang hubog ng orihinal. Hangga’t maaari lámang, dahil isang imposibleng panaginip ang naturang mithiin sa pagsasalin. Maraming balakid na pangwika. Dagdag pa ang sarili kong limitasyon bilang mambabasá ng tula sa Espanyol. Hanggang ngayon ay hindi ganap na mahúli ng aking tainga ang metro sa Espanyol, lalo kung kailan nagdadagdag at nagbabawas ng bilang ng pantig sa pamamagitan ng sinalepa, synaeresis o diairesis ng diptonggo, at asentuwadong pantig.
May dagdag na layunin ang pagsasáma ko sa awit na pinamagatang Canto de Maria Clara
mula sa Noli. Bukod sa katangi-tangi, isináma ko ito upang makatulong sa muling pagpapakilála ng buong obra ni Rizal alinsunod sa kaniyang manuskrito. Kung susundan ang kaniyang manuskrito, kulang ang popular na anyo ng awit ngayon. May dalawang saknong, ang refrain, na hindi nakasáma sa limbag na edisyon ng Noli me tangere. Na nakalulungkot dahil ang limbag na edisyon ang sinundan ng mga kompositor na naglapat ng tugtugin sa canto ni Rizal. Ang mas malungkot, dahil sa nawalang refrain ay nawala din ang matalinong pakana ni Rizal na paghambingin ang pagiging ulila ni Maria Clara sa paglulunggati sa Inang Bayan.
Bukod sa aking salin, may dalawa pang salin ng Ultimo Adiós
sa aking koleksiyon upang ipadamá ang pambihirang entusyasmo ng mga tagasalin sa tulang ito. Napakapopular ng Ultimo Adiós
kayâ ito ang tula ni Rizal na may pinakamaraming salin sa iba’t ibang wika at sa Filipino. Ito rin ang madalas suriin, bagaman bukod marahil sa pagsusuri ni Jaime C. de Veyra ay hindi kailanman sa paraang pormalista. Pinilì ko ang salin ni Andres Bonifacio dahil ito ang kauna-unahang salin at ang unang pagtatangka na ilapat sa tula ni Rizal sa Espanyol ang popular noong hubog ng wika ng Katipunan. [Ipinaliwanag ko na ito noong 1993 sa kabanatang Dalawang Paalam
sa aklat kong Panitikan ng Rebolusyon(g 1896).] Pinilì ko naman ang salin ni Pambansang Alagad ng Sining Guillermo E. Tolentino dahil ito ang isa sa unang gumamit ng sukat na lalabing-animin—na siya ko ring ginamit sa aking salin—upang itapat sa habà ng taludtod ng orihinal. Ang lalabing-animin ay isang sukat na inimbento nitóng ika-20 siglo at ipinantapat ng ating mga makata sa alejandrino (ang sukat na ginamit ni Rizal sa Ultimo Adiós
). Sa pamamagitan ng sukat na lalabing-animin ay naipaloob din ni Tolentino ang orihinal sa saknong na may limang taludtod. Gayunman, hindi sinunod ni Tolentino ang padron ng tugma na abaab ni Rizal at higit na pinanaig ang tradisyonal na isáhang tugma sa pagtulang katutubo.
Ang paglalakip ko ng mga salin nina Bonifacio at Tolentino ay walang layuning ipakíta ang kahigtan ng aking salin. Sa halip, nais kong itanghal ang dinanas nang mga muling-paglikha sa Ultimo Adiós
alinsunod sa mga saloobin ng mga tagasalin. Sa aking paliwanag noon hinggil sa salin ni Bonifacio ay idiniin ko kung paanong ang wikang Propagandista ni Rizal ay isinalin ni Bonifacio sa wikang Katipunero. [Na isang paraan din sana ng