Discover millions of ebooks, audiobooks, and so much more with a free trial

Only $11.99/month after trial. Cancel anytime.

Unang Ulan ng Mayo
Unang Ulan ng Mayo
Unang Ulan ng Mayo
Ebook236 pages4 hours

Unang Ulan ng Mayo

Rating: 3.5 out of 5 stars

3.5/5

()

Read preview

About this ebook

In this novel in Filipino, widowed Gloria bravely attempts to pick up the writing where her husband left off, getting help from family and friends, finding inspiration in everyday things, and discovering that writing is not a death sentence but a life-saver.

LanguageTagalog
Release dateNov 19, 2017
ISBN9789712729034
Unang Ulan ng Mayo

Related to Unang Ulan ng Mayo

Related ebooks

Reviews for Unang Ulan ng Mayo

Rating: 3.4285714285714284 out of 5 stars
3.5/5

7 ratings0 reviews

What did you think?

Tap to rate

Review must be at least 10 words

    Book preview

    Unang Ulan ng Mayo - Ellen Sicat

    1

    alimuom

    Kumakalansing ang bubong sa patak ng unang ulan ng Mayo. Tila may sumipa sa nagluluksang langit at nabasag ang ulap. Sumabog na tila bubog ang maingay na ulan.

    Laging maingay ang unang ulan ng Mayo. Maingay, dahil inaabangan ng mga tao. Napakahaba ng tagtuyot na nagsimula noon pa mang Nobyembre ngayong papasok ang Mayo at saka pa lang uulan.

    Dinilig ko kahapon ang mga halaman. Nakasampay ang mga tuyot na dahon sa sanga. Mistulang kalansay ang ibang mga puno. Napulbos na ang lupa—pinung-pinong pulbos na handa nang patangay sa hangin para maging alikabok.

    Mainit ang dapyo ng hangin. Habang nagbabasa ako kagabi, hinipo ko ang braso ng aking anak na tumabi sa akin sa sopa—malagkit, mainit ang balat nito.

    Tag-araw, napakalupit mo sa mga halaman. Ang nakapagtataka, sa panahon ding ito, namumulaklak ang mga halaman at namumunga ang mga punongkahoy.

    Hinihigop ng init ang kahit anong singaw. Huli na kaya ang lahat, nasaid na kaya ang katas, kaya pa ba nilang hintayin ang tag-ulan?

    Pansamantala, gusto kong pawiin ang pagka-uhaw ng mga halamang tanim ni Carlos. Patak-patak lang ang aking pagdidilig kahapon dahil kapos sa tubig. Tila tuyot na labi na dadampian ng basang bulak—gayon ang ginawa kong pagdidilig, huwag lang ’di mabasa.

    Naalala ko kung paano itutok ni Carlos ang hose sa lupang kinatatamnan at paglalawain ang halamanan. Pinagsasabihan ako, dahil parang nagpapaligo ako ng halaman—mga dahon ang aking binabasa, sa halip na ugat.

    Kahapon din, ibinuhos ko sa mga halaman ang pinagbanglawan ng damit. Pagkaraan, naisip kong baka nakaperwisyo pa ako sa halip na nakatulong.

    At pumatak nga ang ulan ngayong umaga. Ibinabadya na kaya nito ang pagdating ng tag-ulan? O ito’y pawis lang ng langit, na dahil sa matinding init, nagpaypay ang ulap?

    Sana nga, tag-ulan na.

    Napakabalintuna—sa tag-ulan, natataranta ang halaman kung saan nito isisilid ang tubig. Palalaguin nito ang mga dahon, patatabain ang mga sanga, pahahabain ang mga ugat —magsusubi ng katas, para sa darating na tag-araw.

    Masigla akong nagtungo sa banyo. Pumutok ang napakalakas na kulog nang sindihan ko ang ilaw. Saglit lang nagliwanag at nawalan na ng kuryente.

    Tahimik kasi ang kidlat, nakagugulat tuloy ang kulog. May tinamaan sigurong transformer. Muling sumindi ang ilaw.

    Bubuksan ko sana ang gripo upang sahuran ng tubig ang malaking balde, nang mapansin ko, ang dagang lumalangoy sa kalahating baldeng tubig. Mukhang babad na babad na ito, mukhang kagabi pa ito nahulog sa balde. May mga pinong balahibo na lulutang-lutang sa palibot ng kumakampay na daga.

    Inilagay ko ang takip ng balde. Hindi makakahinga ang gagong daga. Teka, huwag mo raw minumura ang daga, sisirain ang mga damit mo. Mabuti nga, nang magkaroon ako ng dahilang bumili ng bagong damit.

    Nagsalang ako ng tubig para sa kape. Alas tres pa lang ng umaga. Maaga pa pala, wala pang tubig. Ilang minuto kayangkaya ng daga, na mabuhay nang walang hangin? Pagdating ng alas tres kinse, titingnan ko. Patay na siguro iyon. Tama ang propesora na nagsabing maraming daga sa UP Campus. Nagbiro pa nga noon si Carlos: Anong subject ang itinuturo nila?

    Naupo ako sa harap ng mesang mahaba. Nakapatong sa isang sulok nito ang computer na ibinigay ng aking kapatid nang malamang aayusin ko ang mga sinulat ng aking yumaong asawa. Inumpisahan ko iyong gawin pero hindi ko maituloy. Hayaang iba na lang ang gumawa. Kinuha ko ang isa sa mga hindi niya nagamit na notebook. Ginawa kong borador ang mga ito. Sinusulatan ko kung ano lang ang madampot ko. Halos lahat, nasulatan ko na. Mukhang kailangan na akong bumili ng bago.

    Nag-umpisa akong sumulat sa huling pahina patungo sa unang pahina. Tama lang, dahil ayaw ko ng paurong, gusto ko ng pasulong. Humagilap ako ng lapis o bolpen sa bunton ng mga papel sa mesa. Nakaapuhap ako ng lapis. Napakaigsi, pudpod pa, pero puwede na. Tinasahan ko, gamit ang kutsilyo.

    Isinulat ko ang tungkol sa dalawang naunang mga daga na nakita ko sa balde. Parehong nasa pagitan ng alas dos at alas tres ng umaga nangyari. Ang una’y maliit, may kalahating dangkal lang. Hinalipaw ko iyon ng timbang maliit at ibinuhos sa inodoro. Tuloy–tuloy itong lumubog.

    May isang dangkal naman ang pangalawang daga. Hinampas hampas ko iyon ng timba. Ganoon siguro ang pagtortyur. Nang mahina na ito—sinalok ko at ibinuhos sa inodoro. Pero tubig lang ang lumubog. Nasa pusod ng inodoro ang ulo ng daga. Mahina na, pero gumagalaw pa. Itinaob ko ang timba sa bunganga ng inodoro para hindi ito makahinga. Ngunit sadyang di-lalapat ang pagkasuklob dahil sa disenyo ng inodoro. Mayroong puwang para makapasok ang kaunting hangin. May hangin nga—kapos naman.

    Pagkaraan ng mga limang minuto, inalis ko ang taklob. Nanghihina na ang daga. Lupaypay na. Kinuha ko ang martilyo. Pinukpok ko ito sa katawan. Hindi nasapol. Inisip kong sa ulo patamaan. Pinukpok ko nang pinukpok. Matulis ang nguso nito (malubid ang dila ng ngusong matulis). Ito ang naninira ng mga damit, nagkakalat ng laman ng basurahan, hindi ko alam kung saan ilalagay ang pagkain dahil kinakalkal, pati vitamins ni Carlos, kinukuha.

    May dugo na ang tubig. Matagal na sigurong patay ang daga, pinupukpok ko pa. Nagsisi ako sa aking karahasan. Binuhat ko ang baldeng may isang timba siguro ang lamang tubig. Ibinuhos ko iyon sa kubeta. Lumubog ang daga!

    Napatigil ako sa pagsusulat at napatingin sa relo. Alas singko kinse na pala! Hindi ko namalayan ang oras. Napatakbo ako sa banyo.

    Dahan-dahang inalis ko ang takip ng balde. Buhay pa ang daga! Paano nangyari ito? Siguro, mas malakas ang baga ng dagang ito. Baka naman may nakalulusot na hangin sa takip? Baka hindi lapat. Muli kong isinalpak ang takip.

    Kung sasalukin ko ang daga sa timba at ipa-flush sa inodoro tulad ng ginawa ko noon—baka ito makalundag. Malaki na ang dagang ito, di tulad ng dalawang nauna. Isinaklob ko ang timba sa daga. Dahil sa kalahati pa ang lamang tubig ng balde—gumewang-gewang ang timba. Kaunti lang noon ang laman ng balde kaya madali kong naisaklob ang timba sa daga. Inisip kong bawasan ang laman ng balde—pero paano kong sasalukin ang tubig nang hindi makatatakas ang daga?

    Kumuha ako ng martilyo. Ipinukpok ko sa daga—pero hindi ko ito maasinta. Tumatama sa tubig ang pukpok ko. Kumuha ako ng tubo, siya kong ipinukpok—pero mukhang gagawin pa itong tulayan ng daga.

    Nagising ang aking mga anak sa ingay. Pinuntahan nila lako sa banyo.

    Patakasin mo na lang Mama!

    "I-suffocate mo, takpan natin."

    Loko ka ba? Paano tayo magsasahod ng tubig?

    Si Papa sana, kayang-kayang patayin ’yan. Noon nga, tinadyakan lang niya.

    Nawalan lahat ng kibo. Buong paligid, amoy alimuom.

    May umubo. Nagsunuran ang iba. Sinalsal ng ubo ang may hikang bunsong lalaki. (Dalawa ang ating bunso, wika noon ni Carlos. Ang bunsong lalaki, na siyang talagang bunso, at ang kaniyang sinundan, ang bunsong babae).

    Banglian natin.

    Puwede nga. Pero maraming kakailanganing tubig dahil kalahati pa ang laman ng balde. Mababantuan lang, di mababanglian

    Di, bawasan natin.

    Tange, di nakatakas ‘yan. Mamamaybay sa pangsalok mo.

    "Sige. Bahala na. Subukan nating buhusan ng kumukulong tubig. Patatamaan natin sa ulo. Inaangat niya’ng ulo, napansin n’yo?

    Nagsalang ako ng isang takureng tubig. Nakaabang kaming lahat sa pagkulo ng tubig. Napahiyaw pa ang aking mga anak nang lumabas ang usok sa tuka ng takure.

    Yehey! Patay na siya ngayon.

    Dahan-dahang inalis ng panganay ang takip ng balde.

    Buhay pa, ang lakas talaga!

    Binuhusan ko ang ulo ng daga. Nangisay ito at tuluyan nang lumutang. Palakpakan ang aking mga anak. Para akong mandirigmang ipinagbunyi.

    Ang galing ni Mama, sabay-sabay na sabi nila.

    ’Pag wala na pala si Papa, kaya mo ring patayin ang daga, sabi ng pangalawa.

    Hindi alam ng aking mga anak na may nauna na akong napatay na dalawang daga mula noong namayapa ang kanilang ama. Tahimik na kidlat noon, maingay na kulog ngayon. Kung noong buhay ang aking asawa nangyari ito, pihadong tatawagin ko siya at panonoorin ko lang, habang tinatadyakan niya ang daga. Miron noon, kapatas ngayon. Nagpipilit maging buhay ang loob, matibay at matapang.

    Walang kibong sinalok ko ang patay na daga sa timba at ibinuhos sa inodoro. Sunud-sunod kong tinimba ang natirang tubig sa balde.

    Kailangang walang bakas ng dugo. Dapat walang matirang balahibo. Sinabon kong maigi ang timba. Kinuskos nang mariin. Ilang beses na binanglawan. Saka ko pa lang isinahod ang balde.

    Humihingal na pinanood ko ang pagtaas ng tubig sa balde. Bumubula-bula ang tubig. Sabon kaya iyon? Pero binanglawan ko namang mabuti. A, hangin lang iyon. May hangin ang tubig, kaya nga tumagal ang daga roon.

    Ma, halika na, iwan mo na lang, mapupuno rin ’yan.

    Ma, magkape ka na. Magsasalang na ’ko ng tubig.

    Sige, susunod na ako.

    Pero hindi ako sumunod. Hinintay kong mapuno ang balde.

    Ma, kumulo na’ng tubig, tawag ng pangalawa.

    Paglabas ng banyo, nasalubong ko ang panganay, galing sa hardin. May-asawa na siya at anak, pero sa amin natulog kagabi dahil may tinatapos na thesis.

    Umulan ba kangina, Ma? May hamog, a. Ngayon lang uli ako nakakita ng hamog.

    Pinatid ng ambon, mahabang tagtuyot. Mga damong humandusay sa uhaw—paano’t paano’y, dadampian ng bahagyang singaw.

    Oo, umulan. Saglit lang, kanginang madaling-araw.

    Kaya pala lumamig nang kaunti. Sabi, mga July pa uulan. El niño kasi.

    Lumapit sa akin ang pangalawa. Anong almusal natin?

    Nagtimpla ako ng kape. May malaking supot ng pandesal sa mesa. Nagpiprito ng itlog ang bunsong babae.

    Magtinapay na lang tayo.

    Ba’t di ka na nagluluto ng almusal? reklamo ng bunsong lalaki.

    Gusto ko ng sinangag, tapa at sunny side up.

    Wala naman ang papa n’yo. Magtinapay na lang tayo.

    Inabot ng pangalawa ang plato ng estrelyadong itlog. O, itong sunny side up mo. ’Yong tapa, kinakatay pa ’yong baka.

    Nagtawanan ang magkakapatid.

    Iniwan ko ang tasa ng kape sa mesa. Lumabas ako sa bakuran. Pinanood ko ang nakahandusay na kulay lupang mga damo. Matagal-tagal din ang ulan. Nabasa rin ang lupa. Amoy alimuom. Nakasilip na ang araw. Mamaya, mas matindi ang alinsangan.

    Kay ramot, kay dali, hamog sa tag-araw!

    Muli akong pumasok sa kabahayan. Nag-aalmusal ang aking mga anak. Naramdaman kong tinitingnan nila ako. Inutusan ko ang pangalawa.

    Mamalengke ka kaya? D’yan lang sa coop, naasiwang sabi ko.

    Sige. Ilista n’yo, pagka-almusal, lalakad ako.

    Mayamaya na kaya, maalimuom pa. Baka sumakit ang tiyan mo, saway ko.

    Hindi nakaligtas sa akin ang natatawang tinginan ng magkakapatid.

    Makukuha na siguro ’yong GSIS ni Papa ngayong linggong ito, sabi ng panganay.

    E, pambayad-utang lang yata ’yon, sabi ng bunsong babae.

    Wala man lang bang sobra, Ma? Ganoon ba kalaki ang bayad sa ospital? tanong ng pangalawa.

    Meron naman. Kahit pa’no, may naiwan naman ang ama n’yo. Mapalad kayo sa ama n’yo. ’Di tulad ng ibang naulila, walang naiwan sa kanila.

    Mahirap magsimula sa wala, madali nang kaunti sa mayroong kahit paano.

    Hanggang kailan tayo rito, Ma? tanong ng bunsong lalaki

    Hanggang sa anibersaryo ng kamatayan ni Papa, anang pangalawa.

    Nakatatawa naman, paalisin tayo sa araw ng kamatayan ni Papa, sabay na sabay pang sabi ng panganay at bunsong babae.

    Nagtawanan ang aking mga anak. Natawa rin ako. Iyon ang gusto ko sa aking mga anak: may sense of humor. Muling inubo ang bunsong lalaki.

    Ano bang amoy ’yon, Mama? tanong nito sa pagitan ng ubo.

    Maalimuom kasi.

    Alimuom lang ang mapapala sa ambon, sa loob-loob ko, habang hinahagod ko ang kaniyang likod.

    2

    paglulubid

    Matatalim ang kidlat at dumadagundong ang kulog noong kalagitnaan ng gabi kaya’t nawalan na naman ng kuryente. Gusto ko pa naman sanang magsulat. Lumabas ako sa kusina at nagpunta sa aking sulatan. Kinuha ko ang aking notebook at nagsimulang magsulat sa dilim.

    Itinala ko ang mga gunita, araw-araw na pangyayari, iniisip—sa porma ng tula.

    Kahit paano, basta tula. Ang tula para sa aki’y iyong may natatandaan akong linya. Hindi naman sa itinuturing kong makata ang sarili. Upang madali ko lamang maalala ang aking itinala kaya ako tumutula. At mula sa tula, babalangkasin ko ang kuwento.

    At paano ako naglulubid ng salita?

    Para lamang nagluluto—Hinahalo-halo ang sangkap, pinipiris ang hinanakit—Inihuhulog ang nakatatawa pagsubo ng dusa—Sinasangkutsa ang sigla para kumatas, nakatagong pait—Pagkulo ng galit, inaawatan ang gatong—Hinahayaang lumambot sa hinay-hinay na apoy—Hinuhugasan muna ng romansa nang laswa’y ’wag sumama—Tunggalia’y hinahango ’pagdaka (malulusak ’pag nababad)—Binubudburan ng katatawanan para drama’y gumaan—Inihahain nang mainit—Pinaiikutan ng siste, umaasang lasa’y mag-iiwan ng palaisipan.

    Karaniwang nagsusulat ako sa kalaliman ng tulog ng aking mga kasambahay. Maaga akong natutulog at nagigisisng ako sa kalampag ng mga kaserola, kaluskos ng mga dagang naghahalungkat ng makakain. Kinakalkal ng mga ito ang basurahan, itinutumba ang mga bote at garapon, binubuklat ang mga libro at diyaryo. Hinahamon ako.

    Biglang sumindi ang ilaw. Ang panganay! Kipkip niya ang kaniyang mga libro at inilatag ang mga iyon sa mesang kainan. Nagtuturo siya ng malikhaing pagsusulat at isa rin siyang manunulat. Kumukuha siya ngayon ng masters. Nagulat siya nang matanaw niya ako na nagsusulat sa dilim. Natawa siya.

    Ano’ng ginagawa niyo riyan? Ba’t di kayo mag-ilaw?

    Namamana ako sa dilim, sabi ko para patawanin siya at tumawa nga siya.

    Parang ang panaho’y lumigaw-tingin panay kindat at buladas, walang ibinugang ulan.

    May kuryente na, kaya’t binuksan ko ang computer at dinugtungan ang sinusulat kong nobela. Ano kaya’t ipabasa ko sa panganay ang mga sinulat ko? Kinuha ko ang nasulat kong dalawang kuwento. Inabot ko sa kaniya.

    May nasulat akong mga kuwento.

    Gulat na gulat siya.

    Nagsusulat kayo? Kelan pa?

    Hindi ako umimik. Binasa niya nang tahimik ang mga kuwento. Pahapyaw ang pagbasa niya. Pagkaraa’y nakangiting tumingin siya sa akin. Iyon bang ngiti ng ina nang ipakita ng kaniyang anak ang unang naiguhit nito.

    "Maganda. Ipapa-publish natin."

    Isinama niya ang mga kuwento sa kaniyang mga librong nakalatag sa mesa. Ano kaya’t ibigay ko na rin ang aking mga tula nang malathala rin ang mga iyon.

    May nasulat din akong mga tula.

    Mga! Natutulog pa ba kayo?

    Binuklat-buklat niya ang maraming pahinang papel na tula. Muli, pahapyaw niyang binasa. Pagkatapos, isinama rin ang mga iyon sa kaniyang mga libro.

    Pangit?

    "Hindi naman tula’ng sinulat niyo. Hindi basta’t pinagrhyme niyo, tula na. May ilang maganda. Aayusin ko."

    Ako na lang. Sabihin mo lang kung paano.

    "Mama! Kaya ako narito para gawin ang thesis ko. Mas makulit pa pala kayo sa apo n’yong si Amado."

    Hindi ako nagpilit. Itinuloy ko ang sinusulat kong nobela. Niyapos niya ako.

    Nami-miss mo ba si Papa kaya ka nagsusulat?

    Paiwas ang sagot ko. May sinusulat akong nobela. Dalawa.

    Natawa siya. Pinagsasabay ninyo?

    Ipinakita ko sa kaniya ang isang notebook kung saan ko isinulat ang borador ng unang nobela at ang naka-computer na pangalawang nobela.

    Binuklat niya ang mga ito. Pahapyaw na binasa.

    Hm, mukhang maganda. Babasahin ko mamaya.

    Puwede talagang ma-publish ang kuwento ko?

    Oo naman. At parehong mukhang interesting.

    Hinihintay ko ang iba pa niyang sasabihin pero nagsulat na siya habang nakabukas ang binabasa niyang libro na parang wala ako sa harap niya.

    Pumasok na lang ako sa kuwarto. Ayokong magsulat nang may ibang tao at gayon din siguro ang panganay. Agad akong nakatulog. Paggising ko kinabukasan, naroon na sa aming bahay si Felicing. Siya ang aming katulong na nagpupunta sa amin ng dalawang beses isang lingo. Naisipan kong biruin siya.

    Nagdedeklara ako ng giyera sa mga daga mula sa araw na ito.

    Nailagay niya ang kamay sa bibig. Sinaway ako.

    Naku! Sisirain ang mga damit n’yo!

    Natawa ako. Ganap na siyang natakot ng daga. Mabait, ang tawag niya sa daga. Naglaro si Mabait, sabi niya nang makitang

    Enjoying the preview?
    Page 1 of 1