Discover millions of ebooks, audiobooks, and so much more with a free trial

Only $11.99/month after trial. Cancel anytime.

Hanggang Kailan
Hanggang Kailan
Hanggang Kailan
Ebook306 pages4 hours

Hanggang Kailan

Rating: 5 out of 5 stars

5/5

()

Read preview

About this ebook

Ibinigay ni Cai ang lahat kay Wilder. Buong puso at kaluluwa. Matiyaga siyang naghintay na mapansin siya nito at mahalin. Ginawa niya ang lahat para mapasaya ang binata. Inakala niya na ibabalik nito ang pag-ibig na iyon.

Pero iba pa rin ang mahal nito. Sinikap niyang huwag sumuko kaagad. Nagtiis siya hanggang sa kaya niya. Nanatili siya hanggang sa kanya niya.

Umabot pa rin siya sa kanyang hangganan...

LanguageFilipino
PublisherBelle Feliz
Release dateJan 3, 2024
ISBN9798224299713
Hanggang Kailan
Author

Belle Feliz

Belle Feliz writes Tagalog romance.

Read more from Belle Feliz

Related to Hanggang Kailan

Reviews for Hanggang Kailan

Rating: 5 out of 5 stars
5/5

5 ratings1 review

What did you think?

Tap to rate

Review must be at least 10 words

  • Rating: 5 out of 5 stars
    5/5
    One of the best stories that tells exactly how second chance works and how it should be executed. A masterpiece. Thank you for the wonderful story, Author

Book preview

Hanggang Kailan - Belle Feliz

Chapter One

`WAG KANG TANGA.

Hindi sigurado ni Cai kung bakit iyon ang nasabi niya sa sarili noong unang beses niyang nakita at nakilala si Wilder. Sa delivery room ng isang ospital sila unang beses na nagkita. Pareho silang nursing student at unang araw nila sa kanilang Related Learning Experience. Magkasama sila sa isang grupo sa buong semestre na iyon.

Crush kaagad ni Cai si Wilder. Hindi naman na nakapagtataka pa ang bagay na iyon. Napakaguwapo ng binata. Matangkad at tisoy. Pagkakita sa kanya ay kaagad siya nitong nginitian. Ngiting mas nagpatingkad ng kaguwapuhang taglay nito. Ngiti na nagpatigil sandali sa pagtibok ng kanyang puso. Ngiti na pakiramdam niya ay magpapababago nang lubos sa kanyang buhay.

Iyon yata ang dahilan kung bakit nasabi niya sa sarili na hindi siya maaaring maging tanga. Paanong mababago ng isang lalaki ang kanyang buong buhay? Siguro ay nangyayari ang mga ganoong bagay sa ibang babae pero hindi sa kanya.

Hi, kagrupo yata kita. Wilder, pakilala nito sa sarili. Sila lamang dalawa ang nasa waiting area ng delivery room. Pareho silang nakasuot ng puting uniporme na papalitan nila ng scrub suits mamaya. Kalahating oras silang maaga para sa kanilang shift.

C-Cai, tugon niya. Gusto niyang kurutin ang sariling pisngi dahil sa kanyang pagkautal.

Sa palagay mo ay makakakompleto tayo ng DR cases sa rotation na ito? kaswal nitong tanong habang nauupo sila sa mga monobloc na naroon.

Nagkibit ng balikat si Cai. Sana. Para naman hindi na tayo mag-request ng panibagong rotation. Kailangan nila ng kompletong cases para maka-graduate sila. Major requirement din ang Delivery Room cases para sa kanilang board exam. Masyado pa sigurong maaga para isipin ang mga iyon pero mas maigi na talaga na makatapos sila sa rotation na iyon para hindi na nila babalikan at poproblemahin. Para na rin hindi sila mahirapang maghanap ng mga manganganak.

Sana talaga marami ang manganak sa two weeks na nandito tayo.

Ngumiti si Cai. Sana nga.

Hindi sana ang DR ang gusto kong unang rotation ngayong sem kaya lang wala nang ibang available. Ang group lang na ito ang may opening. Naisip ko lang na mas maigi nang mauna na ito para chill na lang sa ibang rotation.

Tumango si Cai. Hindi niya gaanong maalis ang kanyang mga mata sa binata. Sinikap niyang iiwas ang mga paningin dahil baka nakakahiya na siya, pero hindi niya ganap na mapagtagumpayan. Mesmerized siya sa mukha nito, sa tinig nito, sa paraan ng paggalaw ng mga labi nito.

Masyado na ba akong nagpi-feeling close? tanong nito, bahagyang natatawa. Sorry. Transferee kasi ako kaya wala pa akong friends.

Hindi, okay lang. Sige lang, dumaldal ka lang.

Hindi na nagkaroon ng pagkakataon pang mas dumaldal si Wilder dahil dumating na rin ang kanilang ibang mga kasama. Anim sila sa grupo na iyon. Si Wilder lang ang hindi niya kilala dahil ang iba pa nilang mga kasama ay naging kaklase na niya noong nakaraang semestre. Si Petra ang maituturing niyang malapit na malapit na kaibigan pero nakakausap naman niya ang ilan sa mga kagrupo. Kaibigan pa rin naman niyang maituturing sina Kuya Paul, Daniel at Ginger.

Nawala na kay Cai ang atensiyon ni Wilder nang dumating si Ginger. Nadismaya man, hindi na siya gaanong nagulat pa. Walang lalaki yata ang hindi nabibighani sa gandang taglay ni Ginger Mercado. Matangkad ang babae. Hindi tisay na tisay, hindi rin naman morenang-morena, pero pantay ang kulay ng katawan. Halos hanggang baywang ang mahaba nitong buhok na unat na unat. Maliit lang ang mukha nito pero maganda. Suma-sideline ang kaklase bilang isang commercial model.

Uy, guwapo `yong bagong ka-group natin, pabulong na sabi ni Petra kay Cai.

`Wag kang tanga. Tingnan mo nga kung paano makatingin kay Ginger, sabi ni Cai.

Napalabi si Petra. "Sinasabi lang na pogi, tanga na agad? Affected much ka, `teh?"

Magkakatuluyan `yang dalawang `yan, pahayag ni Cai habang nakatingin kina Ginger at Wilder. Parang wala nang ibang nakikita ang dalawa kundi ang isa’t isa. Iba na ang ngiti sa mga labi ng mga ito.

"Mukhang tama ka, friend. Bagay na bagay pa ang dalawa. Ang saklap lang ng life, kaagad tayong nawalan ng pag-asa kay Wilder bebe."

Ganoon talaga. Sinubukan ni Cai na huwag gaanong magpaapekto pero hindi talaga masukat ang pagkadismaya sa kanyang dibdib. Mabait naman sa kanya si Ginger kaya mabait din siya sa kaklase, pero pakiramdam niya ay inagawan siya. Parang gusto niyang isigaw na siya ang unang nakakita kay Wilder. Na para bang may halaga ang bagay na iyon.

Sinikap ni Cai na kalimutan ang kakaibang nararamdaman para kay Wilder. Sana ay madali lang gawin ang bagay na iyon. Talagang nabihag ni Ginger si Wilder. Palakaibigan ang binata sa kanilang lahat pero hindi maikakaila na mas espesyal sa paningin nito si Ginger. Sa lahat ng libreng pagkakataon ay magkasama ang dalawa. Hanggang sa university ay halos hindi na mapaghiwalay sina Ginger at Wilder.

Dapat ay naglalaho na ang anumang espesyal na damdamin sa dibdib habang nakikita niya ang espesyal na pagtitinginan ng dalawa. Pero sadya yatang tanga siya pagdating sa pag-ibig dahil habang mas nagkakaigihan sina Ginger at Wilder ay mas nahuhulog ang kanyang loob. Parang mas napapamamahal sa kanyang puso si Wilder. Kahit na alam niyang hindi magiging kanya ang binata. Patuloy pa rin siyang tumitingin kahit na alam niyang hindi siya ang tinitingnan nito.

Habang lumilipas ang mga araw na nakakasama ni Cai sa mga duty at lectures si Wilder ay mas lumalalim ang kanyang espesyal na nararamdaman. Habang tumatagal din ay mas nahihirapan na siyang magkunwari na hindi niya nararamdaman ang mga nararamdaman. Habang lumilipas ang mga araw ay pahirap na nang pahirap ang pagtatago ng pag-ibig.

Ang hirap pala ng pag-ibig na hindi mai-express. Masakit at parang sasabog na siya. Masakit sa tiyan. Masakit sa dibdib. Lalo na kasi alam niyang walang katugon ang kanyang nararamdaman.

Pero likas yata sa puso ang maghangad ng mga taong hindi mapapasakanila. Likas yatang mas mahalin ang isang tao na hindi naman ikaw ang mamahalin. Likas yata sa tao ang pagiging tanga sa pag-ibig.

Umasa na lang si Cai na darating ang araw na lilipas din ang nararamdaman niyang iyon. Umasa na lang siya na hindi siya habang-buhay na magpapakatanga. May hangganan din ang paghanga na iyon. Magmamaliw rin ang pag-ibig.

PABASA AKO NG NCP MO, Cai.

Napatingin si Cai kay Wilder. Magkasama silang dalawa sa isang mesa sa isang karinderya na malapit na ospital kung saan sila naka-rotate sa linggong iyon. Napaaga sila ng dating at napagpasyahan nila na doon na lang muna magpalipas ng oras. Pareho rin naman silang hindi pa nag-aalmusal. Inilibre siya ni Wilder. Pinigilan niya ang sarili pero kinilig pa rin ang gaga niyang puso.

Bakit? Wala kang sariling nursing care plan? tugon ni Cai.

Meron. Makikibasa lang ng sa `yo.

Bakit?

Ikaw ang laging may pinakamataas na grade sa mga NCP, eh. Sige na. Huwag ka nang umarte riyan. Hindi ko naman kokopyahin.

May sinabi ba ako? Inilabas ni Cai mula sa kanyang bag ang notebook kung saan niya inilagay ang kanyang nursing care plan. Araw-araw ay kailangan nila niyon para sa mga pasyente na itinalaga sa kanila.

Nakangiting tinanggap ni Wilder ang notebook at binuklat. Kaagad na nagsalubong ang mga kilay nito. ‘Cairo’ pala ang full name mo, sabi nito, mababakas ang labis na pagkagulat sa tinig.

Oo, natatawang tugon ni Cai. Halos dalawang buwan na tayong magkaklase, hindi mo pa rin alam ang full name ko?

Kasi madalas na ‘Cai’ lang ang tawag sa `yo ng mga kasama natin. Miss Montes naman sa mga CI at prof. Akala ko nga Cacai ang totoong pangalan mo. Cairo talaga? As in Egypt?

Tumango si Cai. ‘Cairo’ talaga. Sa hindi malamang kadahilanan daw ay nagandahan nang husto ang nanay at tatay ko sa Cairo. Sa word lang, hindi sa lugar mismo. Hindi sila nakarating doon. Parang unique raw kasi. Kaya ipinangalan sa akin. Gusto niya ang kanyang pangalan sa totoo lang. Kahit na madalas siyang tinutukso, ikinatutuwa pa rin talaga niya ang pangalang ibinigay sa kanya ng mga magulang.

Ang cute. Kasing-cute mo.

Kinilig si Cai kahit na sinubukan niyang pigilan ang kanyang sarili. Cute raw siya, eh. Pinagmasdan niya ang guwapong mukha ni Wilder habang binabasa nito ang kanyang notebook. Mukhang pinagtutuunan talaga nito ng pansin ang mga nakalagay roon. Confident naman siya na maayos ang kanyang nursing care plan pero parang gusto pa rin yata niyang hablutin pabalik at siguruhin na maayos nga ang kanyang pagkakagawa. Wala bang wrong spelling? Maganda ba ang penmanship niya?

Hindi lang guwapo si Wilder, matalino rin. Pinagsusumikapan talaga nitong matuto sa mga gawain at leksiyon. Pinagsusumikapan nitong maging mahusay sa kanilang ginagawa. Hindi man isa sa mga pinakamahusay, nakikita pa rin ng lahat ang pagpupursige nito.

Bakit ka nag-nurse? halos wala sa loob na tanong ni Cai kay Wilder.

Kahit na tapos na ako ng Business Ad?

Tapos ka na ng Business Ad? nagulat na tanong ni Cai. Marami silang mga kaklaseng second courser kung tawagin, pero hindi niya alam na isa si Wilder sa mga iyon. Alam niya na mas matanda ang binata sa kanya pero akala niya ay isang taon lang.

Tumingin sa kanya si Wilder at ngumiti. Hindi mo alam na second course ko na ang Nursing?

Tumango si Cai. Hindi ko alam.

Siguro iniisip mo lang na ang hina ng utak ko dahil nasa school pa rin ako hanggang ngayon.

Hindi, ah! maigting na sabi ni Cai. Totoong hindi niya iisipin na mapurol si Wilder. Naisip ko lang na nag-shift ka.

Isang taon na lang ako sa business course ko noong engganyuhin ng tita kong nasa States ang mama ko na mag-Nursing na lang ako. Mas mapapadali ang pag-a-abroad ko. Pero nanghinayang naman  ako kasi nga isang taon na lang. Hindi ko rin talaga kasi sigurado kung gusto kong mag-Nursing. So sabi ko kay Mama, tapusin ko na muna ang business course ko para hindi sayang. Pinagbigyan naman nila ako. Pagka-graduate ko, pinilit na naman ako nina Tita na mag-Nursing. Dahil parang tamad pa akong maghanap ng work, heto ako ngayon, kumukuha ng ikalawang kurso. Umaasa sa baon.

Ang galing. Mas may options ka dahil dalawa ang kurso na natapos mo.

Pero ang hirap pala nitong Nursing. Hindi ko inakala noong una. Hindi ako sanay sa mga demo-demo, eh. Saka minsan ay nahihirapan ako sa patient care talaga. Hindi katulad mo na parang natural na natural.

Isang matamis na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Cai. Gusto ko kasi talaga ang nursing, eh. Mula pagkabata ay gusto ko nang maging nurse. Hindi nagbago ang pangarap na iyon. Sakitin kasi ako noong bata pa ako. Lagi ako sa ospital. Natuwa raw ako sa mga nurse na nag-alaga sa akin. Natuwa ako sa suot nilang puting uniform at cap. Para silang mga angel. Ang cap ang halo nila. Kaya big deal na big deal sa akin noong nakuha ko ang cap ko, eh.

Bahagyang nailang si Cai nang kanyang mabatid na nakatitig sa kanya si Wilder. Mukhang aliw na aliw sa kanya ang binata. Ang ganda ng ngiting naglalaro sa mga labi nito. May kinang ng paghanga sa mga mata nito. Pinigilan niyang bigyan iyon ng kakaibang kahulugan pero hindi niya gaanong mapagtagumpayan.

Ang galing talaga. Hindi ka namin katulad na nag-Nursing lang para makapag-abroad.

Hindi naman masama ang bagay na iyon. Ako rin naman gustong makapag-abroad. Tuwang-tuwa ang nanay ko noong nalaman niyang kukuha ako ng nursing sa kolehiyo. Nasa New York kasi siya, fifteen years na rin. Katulong siya roon. Nagsimula sa pagiging TNT hanggang sa maging legal ang pag-stay. Gusto kong kumita ng dollars. Gusto kong makasama ang nanay ko sa New York. Hindi naman ako magpapa-ipokrita at sasabihin na dito lang ako sa Pinas at tutulong sa mga kababayan natin. Siyempre, kapag nagkaroon ng pagkakataon ay lalarga kaagad ako sa ibang bansa.

Pero mas mahal mo pa rin ang propesyon kaysa sa iba.

Parang ang corny naman yata, natatawang sabi ni Cai.

Corny bang talaga? May pakiramdam ako na iba ka magmahal, eh.

Pabiro at nanunudyo ang pagkakasabi ni Wilder kaya naman sinikap niyang maging pabiro rin ang kanyang tinig. Talaga. Ibang-iba akong magmahal. Bigay-todo. Hindi nang-iiwan. Hindi na binabawi. Hindi niya sigurado kung ano ang nagtulak sa kanya na sabihin ang mga salitang iyon.

Bigay-todo? Hindi nang-iiwan? Hindi na binabawi?

Tumango-tango si Cai. Hindi niya inalis ang paningin kay Wilder kahit na labis na siyang naiilang, kahit na ramdam na ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang mukha.

Ang suwerte naman ng lalaking mamahalin mo.

Ang suwerte mo? Napabuntong-hininga si Cai. S-sana ay d-dumating na kasi siya.

Darating din ang tamang panahon.

Hindi na naman napigilan ni Cai ang pag-ahon ng pag-asa sa kanyang dibdib. Tamang panahon. Masama ba kung aasa siya na magkakaroon sila ng tamang panahon? Baka umubra ang mga bagay-bagay pagdating ng araw. Baka naman kailangan lang niyang maghintay. Baka naman hindi pa talaga hopeless?

Uy, ano ang pinag-uusapan n’yong dalawa rito?

Sabay silang napatingin ni Wilder sa pinanggalingan ng tinig. Kaagad na nagliwanag ang buong mukha ni Wilder nang makitang palapit sa kanila si Ginger. Parang kaagad siya nitong nakalimutan dahil sa nobya nito. Hindi na hinayaan masyado ni Cai na sumama ang kanyang pakiramdam. Sandali niyang naloko ang kanyang sarili pero mukhang kaagad ipinapaalala sa kanya ng tadhana ang kanyang lugar.

Buti nga sa kanya. Minsan kasi ilusyanada siyang talaga.

PAHIRAM AKO NG PAM-BP mo, Cairo. Mukhang sira `yong akin.

Kaagad na inabot ni Cai ang kanyang BP apparatus kay Wilder. Tapos naman na siya sa vital signs ng kanyang pasyente. Mabilis iyong kinuha ng binata. Dahil wala naman gaanong kailangan ang kanyang pasyente ay hindi niya maiwasan na pagmasdan si Wilder habang inaasikaso ang pasyente nito. Magkagrupo silang muli sa semestre na ito. Naging tight ang samahan ng grupo nila noong nakaraan na napagpasyahan nilang maging magkakagrupo uli. Gusto sanang humiwalay ni Cai pero ipinalista pa rin niya ang pangalan sa grupo. Naamin din niya sa kanyang sarili na talagang gusto niyang makasama si Wilder. Hindi pa siya handang pakawalan talaga ang nararamdaman. Hindi niya gustong ganap na magkahiwalay ang kanilang mga landas.

Huwag kang tatanga-tanga, Cai. Sila pa rin ni Ginger. Wala ka pa ring pag-asa.

Ang mga ganoong salita ang kanyang sinasabi sa halos araw-araw. Hindi gaanong umeepekto pero sige pa rin. May munting parte sa kanya ang umaasa na isang araw ay matitigil din ang kanyang kahibangan. May ibang parte rin naman sa kanya ang parang gustong patuloy na umasa. Ayaw bumitiw.

Bahagyang natauhan si Cai nang makitang palapit na uli sa kanya si Wilder. Ibinalik nito sa kanya ang kanyang BP apparatus. Tinungo nila ang nurses’ station para alamin kung maaari na nilang tingnan ang charts ng kanilang mga pasyente.

Bakit absent si Ginger? tanong ni Cai.

Bahagyang nalukot ang mukha ni Wilder. May shooting siya ng commercial.

Talaga? masayang bulalas ni Cai. Alam nilang lahat na gustong maging model at artista ni Ginger. May mga pagkakataon talaga katulad ngayon na uma-absent ang kaklase para sa mga shooting at audition. May mga pagkakataon na kasa-kasama pa nito si Wilder. Sa kanilang palagay ay malaki ang tsansa ni Ginger na sumikat at magkaroon ng maraming projects. Talagang maganda ang kanilang kaklase. Napakaganda ng rehistro ng mukha nito sa screen.

Sa kabila ng mga nararamdaman ni Cai para kay Wilder, wala siyang anumang ill feelings para kay Ginger. Nagseselos siya pero wala naman talaga siyang karapatan kaya pilit niyang sinusupil ang anumang hindi magagandang pakiramdam. Wala rin naman kasing ipinapakitang hindi maganda sa kanya ang dalaga. Palagi siyang nginingitian. Palaging pleasant ang pakikipag-usap sa kanya. Kaya naman gusto niyang magtagumpay ito. Gusto niya na makamit nito ang mga gusto. Alam niya na pagiging model o artista ang talagang makakapagpaligaya kay Ginger.

Sigurado ang galing-galing niya.

Anong magaling doon? Crowd lang naman siya.

Napatingin si Cai kay Wilder. Hindi niya gaanong mapaniwalaan ang inis sa tinig nito. Uy, ba’t ganyan ka naman magsalita? Bakit ganyan ang mukha mo? Mas umaasim yata ang mukha ng binata habang lumilipas ang bawat sandali.

Wala. `Wag mo na lang akong pansinin.

Umupo sila sa nurses’ station pagkatapos nilang hanapin ang chart ng kanilang mga pasyente.

Akala ko ba ay suportado mo si Ginger sa mga gusto niyang gawin? hindi napigilang itanong ni Cai. Hindi niya gustong pansinin ang parang pagbubunyi sa kanyang dibdib sa kaalaman na mukhang nagkakatampuhan sina Ginger at Wilder. Alam niyang hindi tamang makaramdam siya ng kahit na kaunting kaligayahan. Hindi dapat. Ano na lang siyang klaseng babae?

Marahas na nagpakawala ng buntong-hininga si Wilder. Oo naman. Sinasamahan ko pa nga siya sa mga pila. Hindi lang ako gaanong komportable na nag-a-absent siya para lang sa isang commercial. Lalo na kung crowd lang naman siya. Magkano lang ang makukuha niya roon? Tapos magkano ang babayaran niya sa school para sa make-up ng na-miss niyang duty? Mahihirapan pa siyang makahanap ng schedule at group na sasamahan. Hindi lang `yon, na-compromise na ang grade niya.

May punto ang mga sinabi ni Wilder. Naintindihan naman niya ang punto nito. Pero halos lahat naman ay nagsisimula sa ganito, `di ba? Sa mababa. Sa crowd. Tapos mapapansin siya. Magkakaroon siya ng mas maraming opportunities.

Oo nga. Pero sana ay hindi nako-compromise ang pag-aaral niya. Mas may kasiguruhan ang pagiging nurse. Nagagalit na nga pati mga magulang niya. Pinaghihirapan nga naman nilang itaguyod ang pag-aaral niya, tapos a-absent lang siya para maging crowd sa commercial. Kapag pinag-igihan na lang niya ang pag-aaral, mas maaga siyang makakatapos. Mas maaga ang pagpa-process ng pag-alis sa bansa.

Tama rin naman ang lahat ng mga sinabi nito. Pero masaya siya sa pagiging commercial model, eh. Ipagkakait mo ba iyon sa kanya?

Muli ay nagpakawala ng marahas na buntong-hininga si Wilder. Mahalaga sa akin ang kaligayahan niya.

So ang advice ko kahit na alam kong wala naman akong karapatang magbigay ay hayaan mo na muna siya. Suportahan mo na muna ang kaligayahan niya dahil alam ko naman na primary concern mo ang bagay na iyon. Pero may point ka rin naman kasi. Siguro ay kailangan mo ring sabihin sa kanya ang talagang nararamdaman mo para naman alam din niya. Sa magandang paraan. Mahinahon. Hindi galit, okay? Malay mo naman kasi, pakinggan ka niya.

Ilang sandali na pinagmasdan lang siya ni Wilder. Kapagkuwan ay napangiti. Parang nagwala na naman ang puso ni Cai sa loob ng kanyang dibdib. Parang hindi kakayanin ng puso niya ang kilig. Parang nanlalambot siya, natutunaw. Walang palya, ganoon palagi ang epekto sa kanya ng ngiti ni Wilder.

Salamat, Cai.

Maliit na bagay. `La `yon. Gusto kong maging masaya ka. Gusto kong maging masaya kayong dalawa ni Ginger. Hindi na gaanong pinansin ni Cai ang tinig na parang nagsusumigaw na ang sinungaling niya.

Pinisil ni Wilder ang kanyang pisngi at pakiramdam ni Cai ay muling nahulog ang kanyang puso sa ginawa nitong iyon. Lihim na lang siyang napabuntong-hininga. Wala na yata siya talagang pag-asa.

Chapter Two

INFAIRNESS NAMAN SA `yo, Wilder. Ang ganda ng lugar mo.

Inilinga ni Cai ang paningin sa paligid. Kasalukuyan silang nasa condominium unit ni Wilder nang hapon na iyon. Gagawa ang grupo nila ng project at ini-offer nito ang lugar nito para hindi na sila tumambay sa coffee shop. Mas magiging komportable raw sila kapag doon. Mayroon na kasing mabilis na internet connection ang binata. May printer na rin. Mas makakatipid sila.

Maganda ang unit ni Wilder. Masinop ang mga gamit. Malinis ang paligid. Siguro ay pinaghandaan nito kahit na paano ang pagdating nila.

Ang sabi ni Wilder ay may dalawa pa itong kasama na umuupa sa lugar. Wala nga lang ang dalawa ngayon dahil umuwi ng kani-kanilang mga probinsiya kaya solo nila sa araw na iyon ang unit. May dala na silang mga pagkain at inumin para hindi na gaanong maabala pa si Wilder.

Thank you talaga sa pagpapagamit mo sa lugar mo, Wilder, ha? sabi ng group leader nila na si Kuya Paul. Katulad ni Wilder ay ikalawang kurso na ni Kuya Paul ang Nursing. Isa itong dentista. Halos sampung taon ang tanda nito sa kanila kaya automatic ang pagiging group leader nito.

Maliit na bagay lang, Kuya Paul, nakangiting tugon ni Wilder.

Pero teka nga. Bakit wala pa rito si Ginger? tanong ni Kuya Paul.

Ano, Kuya, hahabol na lang daw, tugon ni Wilder na napapangiwi. May natanggap kasi siyang text kaninang madaling araw. Eekstra siya sa isang teleserye.

Naku, Wilder, hindi pupuwedeng palaging ikaw ang sasalo ng trabaho ng girlfriend mo sa mga ganitong group project, ha. Parang ikaw na ang gumagawa sa mga assignment at project niya. Paano siya matututo kung ganoon?

Hahabol daw talaga siya, Kuya, sabi na lamang ni Wilder. Pero napansin ni Cai na mukhang maging ang binata ay duda sa sinabi. Hindi na lang siya umimik dahil alam niyang ang suma ay si Wilder pa rin ang gagawa ng parte ni Ginger sa group project. Hindi rin niya hinayaan na lumago ang nararamdamang inis para sa dalaga. Parang nahihirapan na siyang intindihin si Ginger lalo na kung si Wilder naman ang nahihirapan. Parang gusto niyang pagsisihan

Enjoying the preview?
Page 1 of 1